ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | March 7, 2024
Para sa amin, hindi makatarungan na sisihin sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon o mas kilalang TVJ sa pagkakatsugi sa ere ng noontime show na Tahanang Pinakamasaya (TP).
Ano naman ang kasalanan ng TVJ, eh, ipinaglaban lang naman nila ang kanilang karapatan sa programa na kanilang pinaghirapan nang ilang taon? Saksi naman ang publiko kung papaano nabuo ang Eat…Bulaga! na mahigit apat na dekada nang umeere at napunta na nga sa iba't ibang TV networks.
Sa GMA-7 nagtagal nang husto ang EB! at hawak nito ang record bilang longest-running noontime show.
Ang tandem ng TVJ, Dabarkads, Mr. Tony Tuviera at ang kanilang loyal staff ang bumuo ng mga segments na nagustuhan ng mga viewers kaya tumagal ang EB! nang mahigit apat na dekada.
Hanggang sa pumasok na nga sa eksena ang mga anak ni Romy Jalosjos, ang producer ng TAPE, Inc., nagkagulu-gulo na ang EB! na humantong sa mass resignation ng TVJ kasama ang mga solid Dabarkads katulad nina Maine Mendoza, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros at iba pa, pati mga staff na loyal sa TVJ ay sumama sa kanilang pagre-resign.
Inapela ng TVJ sa korte ang ownership ng titulong Eat…Bulaga! na orig na nilikha ni Joey de Leon at sila ay pinaboran ng korte.
Dahil dito, nagpalit ng titulo ang TAPE, Inc. at ginawang Tahanang Pinakamasaya hosted by Isko Moreno, Paolo Contis, Glaiza de Castro, Mavy & Cassy Legaspi, Betong at marami pang iba. Pero, nagkaroon ng internal problem ang show dahil sa mababang ratings at malaki ang utang sa GMA-7, kaya pinatigil na ito sa pag-ere.
Anyway, napapanood pa naman ang TP sa mga replay pero hanggang ngayong Huwebes (March 7) na lang daw. At kahit na hindi natapos ang kontrata na dapat hanggang September, 2024, walong buwan naman ang itinagal sa ere ng noontime show ng TAPE, Inc..
תגובות