top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Tagumpay ni P-BBM, tagumpay ng bansa, congrats!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 8, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 8, 2023



Tulad ng ama na iniwan pansamantala ang kanyang pamilya upang mangibang-bansa, nagtungo noong nakaraang linggo si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. sa Amerika para pagtibayin ang ating relasyon sa matagal na nating kaalyado at mag-uwi ng mga investment para sa ekonomiya.


Kaya ganu’n na lang ang antisipasyon ng marami nating kababayan sa pag-uwi ni P-BBM at umaasang bitbit nito ang kanyang pinaghirapan galing sa ibang bansa.


Hindi tayo nabigo dahil isang napakalaking tagumpay ang uwi ng ama ng ating bansa mula sa ginawa niyang pagbisita sa United States of America at buong puso natin siyang binabati dahil dito. Congratulations!


Mahigit isang dekada na rin ang nagdaan mula noong huling personal na makadaupang palad ng Pangulo ng Pilipinas ang Pangulo ng United States sa White House.


Nagpapasalamat tayo kay President Joe Biden sa pagtanggap niya kay P-BBM at sa mabunga nilang naging talastasan.


Alam naman nating maraming Pangulo ng iba’t ibang bansa ang nais na makaharap ang Pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig, ngunit isa tayo sa pinalad na magkaroon ito ng katuparan na ilang araw nating tinutukan.


Napakalaking bagay na personal na nakaharap ni P-BBM ang Pangulo ng Estados Unidos dahil minsan pa ay napatunayan na buhay na buhay ang ating relasyon, lalo na sa dekada nating pagkakaibigan at pagtutulungan na lalo pang tumibay.


Hindi matatawaran ang ibinigay na pangako ng United States sa kanilang treaty obligations at ang msimong seguridad ng Pilipinas, kabilang ang prinsipyo ng kalayaan sa paglalayag at pagrespeto sa international law ay tiniyak sa pagkakataong ito.


Napakahusay naman ng ginawang panliligaw at pang-akit ng Pangulo sa mga pinulong nitong malalaking negosyo at mga negosyante sa Amerika para sila ay kumbinsihin na ito ang tamang panahon para mamuhunan at magtayo ng malaking negosyo sa Pilipinas.


Matagumpay na nahimok ni P-BBM ang Moderna na mag-set-up ng vaccine-making facility sa bansa, na sinasabing magiging pinakamalaking pasilidad nito sa Asya.


Narating din ni P-BBM ang pakikipagkasundo sa American healthcare service provider na Optum upang mag-ambag ng puhunan na P800 milyon sa medical business process outsourcing industry ng Pilipinas.


Matutuwa rin ang mga nakatenggang seafarers na hindi nakakaalis ng bansa para sumakay ng barko dahil natiyak din ni P-BBM ang kasunduan sa Carnival Corporation na kukuha ng mahigit sa 75,000 Filipino seafarers sa susunod na tatlo hanggang apat na taon.


Karagdagang job opportunities pa ang uwi ng P-BBM dahil naisara rin nito ang investment mula sa business process outsourcing firm na Atento na pumayag na magtayo ng mga call center facilities sa Iloilo City naman.


Ang mga nahakot na investment ng Pangulo ay magdudulot ng napakalaking oportunidad sa nais magkaroon ng trabaho na sa kalaunan ay mag-aangat sa ating ekonomiya na labis na kinakailangan ng bansa.


Noong Abril, nagbigay ng forecast ang Asian Development Bank na ang ekonomiya umano ng Pilipinas ay lalago nang 6.0% ngayong taon, mataas ng bahagya ang 6.2% noong 2024, na tinuran din IMF na tataas ang 2023 gross domestic product (GDP) growth projection para sa Pilipinas na 6%, mula sa 5% na forecast na inihayag naman noong Enero.


Ang isa pa sa labis nating ipinagpapasalamat sa ating Pangulo ay ang adhikain niya na pagtibayin pa lalo ang seguridad ng ating bansa. Dahil sa bagong bilateral defense guidelines na binuo ng dalawang bansa, makatitiyak tayo ng mutual defense cooperation na mas magiging mabilis ang pagtugon sa lahat ng pagkakataon.


Nasa mabuti tayong direksyon at landas na tinatahak kung katahimikan at pag-unlad ang pag-uusapan, na sa mga ganitong pagkakataon ay tila mas tumataas ang ating moral dahil hindi tayo nagkamali sa pagpili ng mangunguna sa ating bansa.


Nasa panahon tayo ng ating maliligayang araw at masasabi natin na ang lahat ng ito ay dahil sa liderato ng ating Pangulo, ang ating bansa ay nasa mabuting kamay na handang yumabong sa panahong ito.


Ang tagumpay na ito ni P-BBM ay tagumpay din ng buong sambayanan na sabik na sabik sa pagbabalik ng ating Pangulo. Maligayang pagbabalik at muli ay Congratulations!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page