Tagumpay ang unang 2 days ng PBA Bubble, sana tuluy-tuloy na -Marcial
- BULGAR

- Oct 14, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | October 14, 2020

Kung ang unang dalawang araw ang magiging batayan, nakakatiyak na magiging matagumpay ang 2020 Philippine Cup ng Philippine Basketball Association (PBA) mula sa kanilang bubble sa Angeles University Foundation. Malugod na binahagi ni Commissioner Willie Marcial ang kanyang mga obserbasyon sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum noong Martes.
“Habang nagsasagawa ng warm up pa lang ang mga koponan ay iba ang naging pakiramdam ko, tumayo ang balahibo ko,” wika ni Commissioner Marcial. Ilang buwan trinabaho ng husto ng liga kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan ang pagbalik ng mga laro na tuluyang nagbunga noong Oktubre 11.
Subalit hindi titigil ang PBA at patuloy na maghahanap pa rin ng mga paraan upang lalong mapabuti ang mga laro. Pinag-aaralan nila ng mabuti ang umiiral na sitwasyon at hindi malayo na may dumating na mga pagbabago habang tumatakbo ang torneo.
“Akala ko alalay muna ang mga laro pero agad may banggaan at nakikita na gigil sila maglaro,” tugon ni Marcial tungkol sa kalidad ng mga unang laban. “May mga pinatawag na ako na ilang manlalaro para sa mga ginawa nilang mga flagrant foul at technical foul.”
Dahil mainitan agad ang laro, ilang manlalaro din ay kinailangang dalhin sa ospital. Ang ospital ng liga ay bahagi ng bubble at todo ingat ang paghatid gamit ang ambulansya at bumabalik agad sila sa hotel.
Masaya din si Commissioner Marcial dahil sa dami ng nanood ng mga laro sa telebisyon at sa internet. Noong unang araw, umabot sa mahigit 70,000 ang nanood sa internet ng laro ng Barangay Ginebra at NLEX at naging patok na usapin ang liga sa social media.
“Huwag tayo mawalan ng pag-asa, nandito na ang inyong PBA,” wika ni Marcial bilang paalam. “Maraming salamat sa suporta at ginagawa namin ito para sa mga fans.”
Ang magandang simula ng PBA bubble ay umani ng pansin mula sa FIBA at may posibilidad na mapili ang Clark bilang punong abala ng mga pandaigdigang torneo sa hinaharap.Nananatiling bukas ang PBA na tumulong sa Gilas Pilipinas subalit hanggang ngayon ay wala pang linaw ang mga petsa at lugar ng mga qualifying games para sa 2021 FIBA Asia Cup sa susunod na buwan.





Comments