top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Tagapag-alaga sa ari-arian ng matanda

BULGAR
Nov 10, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2022


Dear Chief Acosta,


Nang bisitahin namin ang aming lola na 90 taong gulang na, nalaman naming ipinamigay na niya sa iba’t ibang tao ang malaking parte ng kanyang pera at ilang ari-arian. Nang tanungin namin ang kanyang tagapag-alaga tungkol dito, nalaman naming palagi siyang naloloko ng mga tao na bigla na lamang nangungutang sa kanya at hindi naman siya binabayaran. Bilang mga apo, ano ang maaari naming gawin upang mapangalagaan ang mga pinaghirapan ng aming mahal na lola? - Jezreel


Dear Jezreel,


Para sa inyong kaalaman, ang sagot sa inyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Lolita R. Alamayri. vs. Rommel, Elmer, Erwin, Roiler and Amanda, all surnamed Pabale (G.R. No. 151243 – April 30, 2008), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Mahistrado Minita Chico-Nazario, kung saan ipinaliwanag na:


“A guardian may be appointed by the RTC over the person and estate of a minor or an incompetent, the latter being described as x x x persons not being of unsound mind, but by reason of age, x x x cannot, without outside aid, take care of themselves and manage their property, becoming thereby an easy prey for deceit and exploitation.” (Binigyang-diin)


Sang-ayon sa nabanggit, ang taong dahil sa katandaan ay malimit nang maging biktima ng panloloko ay maaaring magkaroon ng guardian na tutulong mag-aruga at mangalaga sa kanya at gayundin upang may mamahala ng kanyang mga ari-arian. Samakatwid, base sa nabanggit na batas o sa desisyon ng Korte Suprema, maaari kayong humiling sa korte na magtalaga ng guardian na mangangalaga sa ari-arian ng inyong lola upang kayo ay makasigurong hindi na siya magiging biktima ng panloloko. Sundin ninyo lamang ang mga itinakda ng Rule 93 ng Rules of Court at patunayan sa korte na ang inyong lola ay hindi na kaya pang pangalagaan ang kanyang sarili at ari-arian dahil sa kanyang katandaan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page