Taga-gobyerno na makasarili, out!
ni Ryan Sison @Boses | November 10, 2023
Maaari nang sabihin na wala nang interes ang pangalawang pangulong sa kanyang confidential at intelligence funds.
Ayon kay Senador Sonny Angara, pinakawalan na ni Vice President Sara Duterte ang P500 milyon confidential and intelligence funds (CIF) sa ilalim ng proposed 2024 national budget.
Sinabi ni Angara na nakatanggap sila ng statement mula sa Bise Presidente, kung saan ayon sa kanya, ang OVP ay maaari lamang magmungkahi ng badyet upang suportahan ang ligtas na implementasyon ng kanilang PAPs o projects, activities, programs para maibsan ang kahirapan at maisulong ang pangkalahatang kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.
Gayunman ani Angara, hindi na nila itutuloy o ipu-pursue ang CIF at ang rason kung bakit ay dahil nakikita nilang nagkakahati-hati o divisive na, at bilang Bise Presidente, nanumpa siyang pananatilihing mapayapa at matatag ang ating bansa.
Mainam ang naging desisyon ng ating Vice President na ipaubaya na ang kanyang confidential at intelligence funds na gagamitin sana ng kanyang tanggapan.
Ipinakikita lamang kasi niya na ang pagseserbisyo sa kanyang mga kababayan ay hindi nasusukat sa anumang halaga ng badyet o pondo na kanyang matatanggap.
Kung sana ang lahat ng ating mga opisyal, may katungkulan at mga nasa gobyerno ay ganito ang magiging kaisipan at laman ng puso, ang maglingkod ng walang pag-iimbot, makatitiyak tayo ng tunay na pag-unlad ng ating bayan.
Kaya hamon natin sa kinauukulan na sa halip na unahin ang personal na interes, sana ay palagi nating iisipin ang mas ikabubuti at kapakanan ng mga mamamayan na patuloy na umaasa sa inyo at sa gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments