Tag-init na, tipid-tipid sa kuryente
@Editorial | March 5, 2023
Nagbabala ang power transmission operator na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagnipis ng supply ng kuryente sa mga darating na buwan dahil sa tag-init.
Batay sa forecast ng Department of Energy (DOE), mas magiging mataas ang energy peak demand ngayong taon.
Sa pagtaya ng DOE, aabot sa 13,125 megawatts ang peak demand sa Luzon. Ito umano ay tinatayang mula Abril hanggang Hunyo dahil sa mataas na demand sa panahon ng mga buwan ng tag-init.
Dahil sa inaasahang power outlook para sa mga darating na buwan ng tag-init, nararapat na gumawa ng mabusising hakbang ang DOE para sa electric contingency upang sakaling magkaroon ng outage ay handa ang gobyerno.
Marapat lang ding sundin ng mga power generator at distributor ang panawagan ng mga grid operator na i-rationalize ang mga schedule ng pagpapanatili na ipinag-uutos sa ilalim ng Grid Operating and Maintenance Program (GOMP), para matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng kuryente.
Ngunit sa kabila ng paghahandang ito na nararapat isagawa ng ating pamahalaan, kinakailangan na ang mga konsyumer ay magsagawa rin ng kani-kanilang pagtitipid ng kuryente sa lahat ng oras, kabilang ang pag-unplug ng mga appliances na hindi ginagamit nang sa gayon, tipid din sa konsumo at singil.



Comments