top of page

Taas-singil sa CAVITEX start na sa Aug. 21

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 16, 2023


Simula hatinggabi ng Agosto 21, ang Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) ay magtataas ng kanilang toll fee, ayon sa pamunuan nito.


Binabaybay ng CAVITEX ang Coast of Manila at nag-uugnay sa Roxas Boulevard hanggang Cavite, na may dalawang toll plaza sa Parañaque Toll Plaza at Kawit Toll Plaza.


Ayon sa pamunuan ng CAVITEX, inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang naturang toll hike.


Kasama sa panukalang pagtaas ang karagdagang P2 para sa Class 1 na sasakyan na dumadaan sa Parañaque hanggang Las Piñas, P3 para sa Class 2 na sasakyan, at P4 para sa Class 3 na sasakyan.


Para sa mga sasakyang dumaraan sa Zapote Interchange sa Bacoor, Cavite hanggang Kawit Toll Plaza, ang panukalang pagtaas ng toll fee ay P9 para sa Class 1 na sasakyan, P16 para sa Class 2 na sasakyan, at P25 para sa Class 3 na sasakyan.


Ipapatupad ng CAVITEX R1 (Parañaque Toll Plaza) ang toll fee para sa Class 1-₱35 mula sa dating ₱33; Class 2-₱70 mula ₱67; Class 3-₱104 mula ₱100 at ang singil naman sa R1 Extension (Kawit Toll Plaza) para sa Class 1-₱73 mula sa dating ₱64; Class 2-₱146 mula ₱129; Class 3-₱219 mula ₱194.


Batay pa sa pamunuan, ang mga bagong rate ay bahagi ng 2017 toll petition na inihain ng Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) at joint-venture partner na Philippine Reclamation Authority (PRA).


Ang CIC at joint venture partner na Philippine Reclamation Authority (PRA) ay muling ire-reactivate naman ang Abante Card program para sa Class 1 at Class 2 PUV drivers at operators. Ito ay magbibigay-daan sa kanila para patuloy na matamasa ang mga lumang toll rate sa loob ng tatlong buwan sa pamamagitan ng isang rebate program.


Hindi na talaga maiwasan na kasabay ng pagtaas ng petrolyo ay ang pagtaas din ng toll fee sa maraming lugar.


Pikit-mata na lang ang taumbayan dahil sa sunud-sunod na pagtataas na ito habang walang magawa kundi sumunod sa ipinatutupad ng pamahalaan.


Sana lang, ang mga pondong nabuo mula sa mga toll fee ay magamit talaga para sa pagpapabuti at pagpapahusay ng expressway, at makapagbigay ng mas maayos at mas ligtas na paglalakbay para sa mga motorista at komyuter.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page