Taas-sahod, solusyon o dagdag-problema?
@Editorial | December 7, 2022
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang isang household ay nangangailangan ng hindi bababa sa P12,030 bawat buwan upang makaligtas sa poverty threshold.
Sa ngayon, ang pang-araw-araw na minimum na sahod na P570 sa Metro Manila ay isinasalin lamang sa P11,400 kada buwan para sa isang manggagawang nagtatrabaho ng limang araw sa isang linggo.
Kaugnay nito, naghain na ng petisyon ang mga labor groups para sa P100 arawang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Inihain umano ang petisyon sa ngalan ng mga minimum wage earners sa agricultural at non-agricultural sector gayundin sa retail, trade at manufacturing groups.
Ang petisyon na taasan ang minimum na sahod ay nagmumula sa pangangailangan ng mga empleyado na mabawi ang nawalang halaga ng kanilang mga suweldo, makayanan ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay at magkaroon ng marangal na buhay bilang karaniwang manggagawa.
Hiniling sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na magkaroon ng bagong wage order dahil tumaas ang inflation rate.
Sa kabilang banda, una nang nagpahayag ng pagtutol ang grupo ng mga negosyante sa hirit na umento. Anila, hindi pa tuluyang nakakabawi ang negosyo at mahihirapan sila lalo na ang maliliit na business kung tataasan ang pasahod, na posibleng magsara na lang. Kumbaga, sarado-negosyo, walang trabaho, pare-parehong nganga.
Kaya dapat na mapag-aralang maigi ang usapin sa sahod. Nauunawaan natin na makatutulong ito sa mga manggagawa pero pakinggan din natin ang mga employer.
Samantala, kung ang ating gobyerno naman ay may naitatabi pang pondo, baka naman puwedeng palawigin pa ang subsidiya. Sabayan na rin ng pagbubukas ng mga programa at proyekto na puwedeng mapagkakitaan.
Ayos naman ang ipinamimigay na ayuda, pero mas mainam sana kung hanapbuhay ang mismong buksan sa pamayanan.
Subukan din nating mag-invest sa talino, galing at sipag ng taumbayan.



Comments