Taas-sahod sa mga titser, ibigay na
- BULGAR

- Jul 11, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 10, 2024

Napakahalaga ng papel ng mga guro tungo sa magandang kinabukasan ng kabataan at ng bayan.
Sila ang nagsisilbing gabay at inspirasyon, ngunit sa kabila nito, madalas na kinakaharap nila ang tila hindi makatarungang sahod at kakulangan sa benepisyo.
Kaugnay nito, iminungkahi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa bagong DepEd chief na itaas ang sahod ng mga guro sa P50,000 kada buwan.
Ayon sa isang opisyal ng grupo, ang game-changing measures na ito ay agarang kailangan upang mapigilan ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Hinimok din nito na magtakda ng minimum salary standards para sa private school teachers na katumbas ng mga nasa pampublikong paaralan.
Ang panukalang ito ay hindi lamang isang simpleng hiling kundi isang panggising sa ating lipunan upang muling suriin ang estado ng edukasyon sa bansa at ang halaga ng mga guro sa ating sistema.
Gayunman, hindi maikakaila na ang pagtaas ng sahod ay nangangailangan ng masusing pagsusuri at plano. Kailangang isaalang-alang ang financial capacity ng gobyerno at ang epekto nito sa kabuuang budget para sa edukasyon.
Sa kabila ng mga hamon, ang panukalang ito ay isang mahalagang hakbang sa tamang direksyon.
Ito ay naglalaman ng mensahe na ang ating sistema ng edukasyon ay dapat ituring na isang pangunahing prayoridad. Kung nais nating mapatatag ang sistema, palakasin natin ang nasa likod nito, ang ating mga guro.



Comments