top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Taas-presyo ng Noche Buena items, ‘di na mapipigilan

BULGAR
Oct 8, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 8, 2022


Ilang buwan pa man bago ang Pasko, nagbabadya na ang pagtaas ng presyo ng ilang Noche Buena products.


Dahil dito, nakatakdang maglabas ng bagong suggested retail price (SRP) ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga produkto na karaniwang bahagi ng handaan sa Kapaskuhan.


Ayon kay Trade Asec. Anne Cabochan, ilalabas ang mga bagong SRP ng mga naturang produkto pagkatapos nilang makipag-usap sa mga manufacturers kung maaaring babaan ang ipatutupad na taas-presyo o ipagpaliban na lamang ito.


Gayunman, aminado ang opisyal na may mga hirit na pagtaas ng presyo ang mga manufacturer at ang karaniwang dahilan ay ang mataas na halaga ng langis, transportasyon at ang pagbaba ng halaga ng piso laban sa dolyar.


Sa kasalukuyan, tinatayang tumaas nang P2 hanggang P15 ang presyo ng ilang produkto, tulad ng pasta, tomato sauce at paste, asukal, mayonnaise, fruit cocktail, itlog, atbp.


Sa laki ng itinaas ng presyo, ang ilan ay dumidiskarte na. May mangilan-ngilan nang namimili ng panghanda para hindi abutan ng panibagong pagtaas ng presyo.


Habang batid nating hindi na mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produkto ngayon dahil na rin sa inflation, umaasa tayong huhupa rin ito. Isa pa, hangad nating maging makatarungan ang taas-presyo na ito.


Sa dami ng nangyayari sa bansa — patuloy na paglaban sa pandemya, non-stop na pagtaas ng inflation, gayundin ang presyo ng mga serbisyo — tunay na dagdag-hamon ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga pagkaing handa tuwing Pasko.


Pakiusap lang sa mga negosyante, sa oras na ilabas ang listahan ng SRP, sana’y tumalima ang lahat, kumbaga, wala na sanang mang-abuso. Kaunting konsensya naman para sa mga mamimili.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page