Taas-pasahe sa PUVs, start na bukas – DOTr
ni Lolet Abania | October 2, 2022

Ipinaalala ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko, transport operators, at drivers na ang taas-pasahe na kanilang inaprubahan ay magiging epektibo sa Lunes, Oktubre 3.
Gayunman, ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, kailangan muna ng mga PUVs na mag-post ng bagong fare matrix sa loob ng kanilang sasakyan bago ang mga itong payagan na magpatupad ng bagong dagdag-pasahe.
“Dapat makita ng mga pasahero ang bagong matrix. I will request LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) lahat ng sectors para ‘di malito ang mga pasahero,” pahayag ni Bautista sa ginanap na press conference matapos ang PAMANA Transport Service and Multi-purpose cooperative general assembly.
“Dapat gano’n. Kaya ang gagawin namin pag-igihan namin ang information drive lalo na ang mga operators ng jeepney para makita ng mga pasahero,” dagdag ng opisyal.
Hiniling naman ni Bautista sa mga commuters ang kanilang pang-unawa tungkol dito.
Ayon sa kalihim, alam niyang mahigpit din ang budget ng mga commuters dahil ito sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, subalit ang fare hike sa mga PUVs ay matagal na ring atrasado.
“Napakaliit ng kinikita nila dahil sa presyo ng gasolina, maintenance. Dahil may inflation, kailangan din natin ng increase ng pamasahe, matagal na sila nanghihingi pero dahil nagkaroon ng pandemya, hindi natin binigyan ng increase para hindi mahirapan mga pasahero,” paliwanag ni Bautista.
Simula sa Lunes, ang mga traditional at modern jeepneys ay magtataas ng kanilang pamasahe ng P1, kung saan ang magiging minimum na ay P12 at P14, batay sa pagkakasunod.
May karagdagan din na P1.80 para sa traditional jeepneys at P2.20 sa modern jeepneys na singil para sa bawat susunod na kilometro.
Ang mga bus naman ay pinayagan para sa P2 taas-pasahe.
Ang minimum fare para sa mga ordinary bus ay magiging P13 na may P2.25 increment para sa bawat susunod na kilometro.
Para sa air-conditioned buses, magiging P15 na ang pasahe at may P2.65 dagdag para sa bawat susunod na kilometro.
Gayundin, itinaas ng LTFRB ang flagdown rates ng mga taxi at transport network vehicle service (TNVS) ng P5, habang walang additional fees para sa mga succeeding kilometers.
Ang bagong minimum fare para sa mga taxi at sedan-type TNVS ay magiging P45, habang ang mga AUV/SUV-type TNVS ay P55 na.
Magiging P35 naman ang flagdown rate ng hatchback-type TNVS.
Sinabi rin ni Bautista na pinag-aaralan na nila ang hiling na fare hike ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1), at ang iba pang mga train lines.
“Meron contract iyan and agreement pwede sila magtaas every 2 years. Nag-meeting sila last week ng request -- sinasabi nila bus, jeep nag-increase, sila nasa 11 pa din. So, sinasabi nila hindi pa nai-implement ang fare increases since 2016, 2018, and 2020, pag-aaralan namin mga request na ‘yan,” saad pa ni Bautista.
“Other trains MRT3 at LRT2 naghihingi din ng increase train service,” dagdag pa niya.





Comments