Swab test sa mga turista, dapat ipatupad para sure na safe

@Editorial | March 12, 2021
Bagama’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, may mga kababayan tayong tuloy pa rin sa kanilang ‘summer goals’.
Sinasamantala ang pagkakataong makapamasyal, makapag-enjoy kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Ganundin ang pagkakataon kung saan may ilang local government units ang gusto nang tumanggap muli ng mga turista at hindi na kailangan pang magpa-swab test bago bumiyahe.
Bagama’t nasa kamay pa rin ng mga lokal na pamahalaan kung kanilang ire-require ang mga turista na sumailalim sa RT-PCR COVID-19 test bago payagang makapasok sa kani-kanilang mga lugar. Sila rin ang bahala kung anong klaseng RT-PCR test — kung saliva o swab.
Ilan sa mga destinasyon na nag-oobliga pa rin ng RT-PCR test ang Boracay; Bohol; El Nido, Coron, San Vicente, at Puerto Princesa sa Palawan; Ilocos Norte; Ilocos Sur; Pangasinan; La Union; Siargao; Siquijor; Dumaguete; at Iloilo.
Gayunman, may mga LGUs na ayaw pang magbukas kahit na nasa modified general community quarantine (MGCQ).
Masasabing malaking bagay ang test muna bago pasyal, sa pamamagitan nito mas mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19, lalo na ngayong tumataas talaga ang kaso ng nagpopositibo.
Hindi lang ito para sa kaligtasan ng mga pinapasok nating lugar kundi para rin sa kapakanan ng lahat.
Hindi ba’t mas nakaka-relax magbakasyon kung tayo at ang kapwa natin bakasyunista ay safe sa COVID-19?



Comments