SUV, sumalpok sa poste ng Skyway, 2 patay at 1 sugatan
ni Lolet Abania | September 3, 2022

Patay ang dalawang indibidwal habang isa ang nasugatan matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang sport utility vehicle (SUV) sa poste ng Skyway sa Parañaque City ngayong Sabado ng madaling-araw.
Sa initial report, ayon kay Police Lt. Ricardo Martinez ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) naganap ang insidente sa southbound na bahagi ng Skyway sa Parañaque, pasado alas-4:00 ng madaling-araw.
Sakay ang mga biktima sa SUV, sumalpok ito sa isang posteng bakal sa gitna ng Skyway Elevated Highway.
Sa lakas ng impact, nasawi ang dalawang lalaki habang isang babae ang nasugatan.
Agad na isinugod ang babaeng biktima sa Taguig Pateros District Hospital.
Ayon sa mga awtoridad, naalis ang naturang sasakyan sa lugar bandang alas-7:45 ng umaga.
Tumanggi rin ang pulisya na ibigay ang mga pangalan at pagkakakilanlan ng mga biktima hanggang hindi pa naipapaalam sa mga pamilya at kaanak ng mga ito ang nangyaring trahedya.





Comments