top of page

Suspensyon ng klase non-stop, dapat solusyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 15, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Nov. 15, 2024



Editorial

Halos non-stop ang pasok ng bagyo at kabilang sa mga labis na apektado ay ang edukasyon. Kaugnay nito, pinulong na umano ang National Management Committee (ManComm) upang talakayin ang mga hakbang para punan ang mga araw na walang pasok sa eskwela.


Batay sa tala, sa kasalukuyang school year, ang Rehiyon ng Cordillera ay nakapagtala na ng 35 kanselasyon ng klase. Ito ang pinakamaraming nawalang araw ng pag-aaral na pangunahing dulot ng kalamidad at natural na sakuna.


Ang iba pang rehiyong matinding naapektuhan ay ang Cagayan Valley, Ilocos, Calabarzon, at Central Luzon na nakaranas din ng hindi bababa sa 29 na pagtigil ng klase bawat isa.


Ayon sa ulat, mayroong 239 paaralan sa bansa ang itinuturing na may “very high risk” sa karagdagang pagkawala ng tsansa ng pagkatuto dahil sa madalas na natural calamities at matinding pinsalang naranasan na nakakaapekto sa mahigit 377,000 na estudyante. Bukod dito, halos 5,000 naman ang paaralan na naka-kategorya bilang may mataas na panganib.


Isa umano sa mga hakbang na ipatutupad ng ahensya ay ang Dynamic Learning Program (DLP) upang matiyak ang patuloy na pagkatuto lalo na sa mga apektadong rehiyon. Maaaring ipatupad ang programa sa mga paaralan bilang mga make-up class at mga sesyon para makabawi sa nawalang pag-aaral. Ang inisyatibo ay nagtatampok ng parallel classes at catch-up sessions sa mga temporary learning spaces.


Ang epekto ng kalamidad sa edukasyon ay nagdudulot talaga ng malalim na epekto sa edukasyon. Gayunman, ito rin sana ay maging pagkakataon upang higit na mapagtibay ang mga sistema at hakbangin sa pagtutok sa mga pangangailangan ng sektor ng edukasyon. 


Sa pamamagitan ng mga hakbang tulad ng disaster preparedness, pagpapalawak ng online at modular learning, at pagtulong sa mga guro at mag-aaral sa pamamagitan ng psychosocial support, maaari nating matiyak na kahit sa mga panahon ng kalamidad, ang edukasyon ay magpapatuloy at maghahatid ng pag-asa para sa mga kabataan at sa hinaharap ng bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page