Survey na tumaas ang rating ni Mayor Isko, kalokohan!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 14, 2022
VP LENI, SUPORTADO ANG MALASAKIT CENTER NI SEN. BONG GO–Nagustuhan ni Vice-Pres. Leni Robredo ang programang Malasakit Center ni Sen. Bong Go, at ayon sa bise-presidente, kung sakaling siya ang manalo ay susuportahan niya ito at ii-improve pa.
Hindi naman pala puro kontra si VP Leni sa mga programa ng Duterte gov’t. kasi kung nakikita niyang nakatutulong sa kapwa ay susuportahan niya, ayos!
◘◘◘
PANG-TRAPO ANG CAMPAIGN PROMISE NI MAYOR SARA–Nang tanungin ng mga mamamahayag si vice-presidential candidate, Mayor Sara Duterte-Carpio kung ano ang mga plano niyang gawin sakaling siya ang maging vice-president ng bansa?
Ang tugon ng presidential daughter ay tutukan niya ang pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino at kalidad na edukasyon sa mga batang mag-aaral.
Palibhasa, wala namang maipagmalaking nagawa niya sa Davao City na puwede niyang gawin sa buong Pilipinas, kaya ‘yung pangkaraniwang pramis na lang ng mga trapo ang nai-pramis niya at ito nga ‘yung magbibigay-trabaho sa mga Pilipino at kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral, ha-ha-ha!
◘◘◘
KALOKOHAN ANG SURVEY NA TUMATAAS ANG RATING NI ISKO–May isang bagong survey firm na naman ang lumabas na nagsasabing tumataas ang rating ni presidential candidate, Manila Mayor Isko Moreno.
‘Yan naman ang malaking kalokohan kasi sa totoo lang ay maraming nadismaya kay Yorme nang mapaamin siya ni GMA network journalist Jessica Soho na dahil hindi niya matandaan kung kanino isasauli ang sobrang P50 milyong donasyon sa kanya noong kumandidato siyang senador, kaya ibinulsa na lang niya ang pera.
Ang dapat ginawa ni Isko noon, ‘yung sobrang donasyon ay sana ipinambili na lang niya ng pagkain at ipinamigay sa mahihirap nating kababayan, pero hindi niya ito ginawa, at sa halip ay ibinulsa nga, at dahil sa sinabi niyang ‘yan, baka ang mangyari ay talunin pa siya nina VP Leni at Bongbong Marcos sa Maynila, boom!
◘◘◘
WALANG “K” SINA DUQUE AT VERGEIRE NA PABAKUNAHAN ANG MGA HINDI NAMAN NILA ANAK–Inutusan ng korte sina Sec. Health Francisco Duque III at Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na sagutin ang petisyon ng mga magulang na tumangging paturukan ng COVID-19 vaccines ang kanilang anak na edad 5 hanggang 11 sa pangambang may masamang epekto ito sa mga bata.
Pinagpipilitan kasi nina Duque at Vergiere na kung ayaw ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak ay isasailalim ang mga bata sa Department of Social Welfare and Development para mabakunahan.
Sa totoo lang, walang “K” sina Duque at Vergiere na piliting mabakunahan ang mga bata kung ayaw ng mga magulang kasi hindi naman sila ang nagsilang sa mga bata, period!





Comments