top of page
Search
  • BULGAR

Suporta sa mga magsasaka, tuloy lang

@Editorial | October 01, 2023


Inaprubahan na ang paglalabas ng P12.7 bilyong pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.


Layunin ng programa na matulungan ang mga maliliit na magsasaka na mapataas ang produksyon.

Sa ilalim ng programa, nasa 2.3 milyong magsasaka ng palay na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang mabibigyan ng ayuda.


Kaugnay nito, tig-P5,000 ang matatanggap na pinansyal na ayuda ng bawat benepisyaryo.


Galing ang pondo sa nakolektang taripa mula sa mga imported na bigas noong 2022 na umabot sa P12.7 bilyon.


Kabilang sa mga makatatanggap ng ayuda ang mga farm cooperatives associations (FCAs), irrigators associations (IAs), agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), small water impounding systems associations (SWISAs), at iba pang farm groups.


Inaprubahan din ang paggamit sa P700 milyong excess tariff collections para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer na nasa ilalim naman ng Household Crop Diversification Program.


Layunin naman nito na matulungan ang mga RSBSA-registered farmers na nakalista rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Nasa 78,000 benepisyaryo ang makikinabang dito at makatatanggap ng tig-P10,000.


Umaasa tayo na magpapatuloy ang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka lalo na sa mga higit na nangangailangan. Dapat na hindi mawalan ng pag-asa ang mga magsasaka. Sa pamamagitan din nito ay maipabatid nila sa mga susunod na henerasyon ang kahalagahan ng pagsasaka.


Lagi nating sinasabi na nasa agrikultura ang yaman ng bansa kaya huwag natin itong pabayaan, sa halip ay mas lalo pang alagaan at pagyamanin.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page