Suporta ng sambayanan, susi sa pagtatagumpay ng bagong administrasyon
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 2, 2022
Ngayong araw, Hulyo 1, 2022 ay pumasok na tayong mga Pilipino sa bagong kabanata ng ating bansa. Nasa ilalim na tayo ng bagong administrasyon matapos manumpa kahapon ng ating bagong pinakamataas na lider, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Sama-sama nating salubungin at suportahan ang bagong administrasyon na gagabay sa sambayanang Pilipino sa susunod na anim na taon.
Ang pagpasok ng bagong termino ay palaging may kaakibat na panibagong pag-asa sa ating mga kababayan. Bagong pamunuan kaya may mga bagong polisiya at mga patakaraan kung paano pauunlarin ang ating bansa, paano palalakasin ang ekonomiya, patatatagin ang pambansang seguridad, pananatilihin ang kapayapaan at kaayusan, palalawakin ang edukasyon, patatatagin ang sistemang pangkalusugan, pagsasaayos ng transportasyon, pagkakaroon ng mga bagong negosyo at marami pang iba. At higit sa lahat — ang pagtiyak na ang mayorya ng mga manggagawang Pilipino ay may hanapbuhay, at kahit ang pinakamahihirap sa lipunan ay may tiyak na pagkain sa kanilang hapag-kainan.
Ituloy natin ang mga tamang nagawa, punuan pa ang anumang pagkukulang at mas lalong pagbutihin ang ating pagseserbisyo upang patuloy na maisakatuparan ang mga pangarap ng bawat Pilipino.
Bilang isa sa inyong mga senador, patuloy tayong susuporta at makikipagtulungan sa bagong administrasyon, basta sa ikabubuti ng kalagayan at ikaaangat ng buhay ng ating mga kababayan. Sa ating kapasidad bilang Chair ng Senate Committee on Health ay ipagpapatuloy natin ang pagpapalakas sa healthcare system, pagpapatayo ng mga laboratoryo para maagapan ang pagbaka sa mga bagong usbong na sakit at pagtiyak na ang health workers ay sapat ang sahod at mga benepisyo, bukod pa sa pagiging ligtas nila sa kanilang trabaho.
Higit sa lahat, hindi tayo bibitaw sa pagkontina sa pandemya. Marami pa tayong dapat gawin upang tuluyan na tayong maging COVID-free at makabalik sa ating normal na pamumuhay.
Bilang Chair naman ng Senate Committee on Sports, ipagpapatuloy natin ang pakikipaglaban upang mabigyan ng sapat na oportunidad ang mga atleta na magtagumpay sa kanilang larangan. Patuloy din nating isusulong ang mga sports program para sa kabataang Pilipino upang mailayo sila sa ilegal na droga at kriminalidad.
Hindi rin mawawala sa ating mga adbokasiya ang pagtulong sa mga OFWs at iba pang Pilipino nasaan man sila sa mundo. At patuloy pa rin tayong reresponde sa pangangailangan ng mga kababayan nating may hinaharap na krisis o sakuna.
Kaya tuluy-tuloy pa rin ang ating serbisyo sa abot ng ating makakaya sa ating mga kababayang ang kabuhayan at komunidad ay apektado ng pandemya at iba pang krisis.
Ngayong linggo, nagsagawa ng relief effort ang ating tanggapan para sa 805 pamilyang nasunugan noong Hunyo 27 sa Brgy. Punta Prinsesa, Cebu City.
Nahatidan din ng tulong ang 93 pamilyang biktima ng sunog sa Brgy. 40, Cagayan de Oro City.
Pinasaya at binigyan din natin ng ayuda ang mga nasalanta ng bagyong Ulysses tulad ng 722 benepisaryo mula sa Arayat, Pampanga; at 610 pa mula sa Rizal, Nueva Ecija.
Nagbigay tayo ng mensahe noong inagurasyon ng OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga nitong Hunyo 28. Mahal natin ang mga OFWs at ang kanilang pamilya kaya talagang isa sa mga ipinaglaban natin bilang Chair ng Senate Committee on Health ang magkaroon ng ospital na para sa kanila.
Nagbigay din tayo ng mensahe sa ginanap na pasinaya para sa bagong ward ng National Kidney and Transplant Institute na may 35-bed capacity. Bahagi ito ng ating pagsisikap na mapalakas ang healthcare system at matulungan ang mga kababayan nating may karamdaman, lalo na ang pinakamahihirap at walang malalapitan kundi ang pamahalaan.
Ang tanging hiling natin, tulad ng naging suporta natin kay Pangulong Rodrigo Duterte, magtulungan din tayo at magbayanihan para sa ikatatagumpay ng administrasyon ng bagong Pangulo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments