Suplay para masustena.. Blood donation, kinakailangan – DOH
ni Lolet Abania | August 8, 2022

Nanawagan muli ang Department of Health (DOH) ngayong Lunes sa mga eligible na indibidwal na mag-donate ng dugo upang mapanatili ang suplay nito sa mga blood centers at healthcare facilities.
Sa isang interview, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang kanilang blood supply ay kailangang patuloy na pinupunan sa kabila na ito ay sapat sa ngayon.
“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan, doon sa ating mga volunteer blood donors, kung maaari po makapagbigay tayo para masustena natin ang ating supply ng dugo sa ating bansa,” pahayag ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, ang COVID-19 pandemic ay nakaapekto nang husto sa blood supply ng bansa dahil sa maraming tao ang ayaw nang lumabas. Ito ang dahilan kaya tumulong na sa ahensiya ang kanilang mga regular donors gaya ng military personnel sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) para mapanatili ang suplay ng dugo ng DOH.
“Sa ngayon, unti-unti na ho uling nag-i-increase ang ating blood donors. Intensive po ang kampanya for blood donation natin ngayon so that we can provide ‘yung blood products na kailangan ng ating populasyon,” dagdag ni Vergeire.
Una nang sinabi ng DOH National Voluntary Blood Services Program na ang potential volunteer blood donors ay kailangang malusog na indibidwal edad 18 hanggang 65; mayroong pulse rate sa pagitan ng 60 hanggang 100 beats kada minuto; kailangang nasa tinatayang 50 kilograms; may blood pressure sa pagitan ng 90 hanggang 160 (systolic) at 60 hanggang 100 (diastolic); at hemoglobin ng tinatayang 125 g/L.





Comments