Sunud-sunod na bagyo at pandemya, kaya pa ba?
ni Ryan Sison - @Boses | November 02, 2020
Bago pa man tumama ang Bagyong Rolly sa bansa, kani-kanyang paghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa posibleng pinsala na dala nito.
Ang ibang LGU, maagang pinalikas ang mga residente para hindi mahirapan sakaling bahain, binaklas naman ang mga billboard at tent sa EDSA para hindi tangayin, gayundin, nagpakawala ng tubig ang ilang dam para maiwasan ang pag-apaw ito ‘pag lumakas ang ulan.
Kasabay nito, nanawagan ang gobyerno sa publiko na sundin ang disaster protocols ngayong inaasahan ang malawakang pinsala ng pananalasa ng bagyong Rolly.
Inaasahan umanong itataas sa super typhoon status ang naturang bagyo na umano’y pinakamalakas na bagyong tatama sa bansa ngayong taon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kung hindi man ito maging super typhoon, malaki ang inaasahang pinsala ng bagyo.
Noong Linggo pa lamang, napakarami nang lugar na sinalanta ng bagyo. Nagkalat sa socmed ang litrato at video ng mga probinsiyang higit na apektado ng bagyo, at pumasok pa nga sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Siony.
Samantala, nagpaalala naman si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na tiyaking masusunod ang health protocols laban sa COVID-19 sa evacuation centers.
Sa totoo lang, malaking hamon ito sa ating lahat, lalo na sa mga lokal na pamahalaan na sumasaklolo sa mga residente. Dagdag pa nga na may safety protocol ding dapat sundin kontra COVID-19.
Bagama’t nauunawaan natin ang hirap ng pakikipaglaban sa pandemya, heto nga at sunud-sunod pang nananalasa ang mga bagyo, patuloy ang ating panawagan na saklolohan ang ating mamamayang nangangailangan.
Paalala naman sa publiko, ‘pag pinalikas, sumunod agad. ‘Wag na tayong magpasaway dahil prayoridad natin ang kaligtasan ng lahat.
Marahil, panibago at malaking pagsubok ito sa ating bansa, kaya pakiusap sa lahat, makiisa tayo sa mga hakbang na ginagawa ng ating lokal na pamahalaan.
Magtiwala sa isa’t isa at manalig na ‘wag nang lumala pa ang ating sitwasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments