Sunud-sunod ang pagbaha, gobyerno, kinalampag… “PUBLIC SERVICE IS A RESPONSIBILITY, NOT A PRIVILEGE” — KIM
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly| August 31, 2026

Photo: IG _chinitaprincess
Hindi na nakapagpigil si Kim Chiu at naglabas na ng mahabang saloobin sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa kung saan napakaraming kababayan ang naapektuhan dulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang parte ng Luzon.
Sa kanyang X (dating Twitter) account kahapon, tagos sa puso ang naging hinaing ng aktres sa matinding paghihirap at pagdurusa na dinaranas ng mga Pilipino ngayon dahil sa baha.
“Ilang buwan na tayong nakakaranas ng sunud-sunod na ulan. Baha dito, baha ru’n. Maraming tahanan ang nalubog, maraming kabuhayan ang nawala, at marami ring imprastraktura na pinondohan ng bilyun-bilyong piso mula sa pera ng taumbayan ang nasira o ‘di nakayanan ang mga ganitong sakuna,” simula ni Kimmy.
Kinuwestiyon ng aktres kung saan napupunta ang mga buwis na ibinabayad ng mga taxpayers at kung bakit hindi maayus-ayos ang matagal nang problema sa flood control.
“Yes, pera NATIN. Bilang mamamayang Pilipino, nagbabayad tayo ng TAX. Kaya may karapatan tayong magtanong: Saan napupunta ang pera ng bayan? Nasaan ang maayos na paghahanda? Nasaan ang mga proyektong dapat sana ay nagpoprotekta sa atin? Natural ang malakas na ulan at bagyo sa Pilipinas, pero hindi dapat maging normal ang paulit-ulit na pagdurusa ng mga Pilipino dahil sa kakulangan sa paghahanda, maayos na imprastraktura at responsableng pamamahala,” ang hinagpis ni Kimmy.
“Minsan pakiramdam ko, ang Diyos at ang kalikasan na mismo ang nagpapaalala sa atin na may mga bagay tayong kailangang makita, tanungin at baguhin. Do we really deserve this? Papalampasin na lang ba natin ulit?” patuloy niya.
Nanawagan din siya sa mamamayan na huwag agad makalimot sa nangyaring ito sa kanila.
“Mga kababayan, sana huwag nating kalimutan ang mga nangyayari ngayon ‘pag humupa na ang baha at tumigil na ang ulan. ‘Wag nating kalimutan ang mga pamilyang inanod ang bahay, ang mga nawalan ng kabuhayan, at ang mga Pilipinong kailangang magsimulang muli mula sa wala. Nakakalungkot at nakakadurog ng puso,” aniya.
Umapela rin siya sa gobyerno at mga nasa katungkulan na aniya ay siyang dapat kumikilos at nananagot.
“Sa ganitong panahon, ang gobyerno dapat ang unang kumikilos, ang unang tumutulong, at ang unang nananagot. Public service is a responsibility, not a privilege.
“Sana, habang may mga kababayan tayong walang matulugan, walang makain at ‘di alam kung paano magsisimula ulit, maalala ng mga nasa kapangyarihan kung sino ang tunay nilang pinaglilingkuran. ANG TAUMBAYAN,” pahayag ng aktres.
“At tayong mga Pilipino, magtanong tayo. Maging mapanuri tayo. Maningil tayo ng maayos na serbisyo at pananagutan. Dahil pera natin ‘to, bayan natin ‘to at kinabukasan natin ‘to. ‘Wag nating kalimutan,” pagtatapos ni Kim.
Umani nang katakut-takot na pagsang-ayon, sari-saring reaksiyon at diskusyon mula sa mga netizens ang post na ito ng aktres.





Comments