Suns, top team pa rin sa itinalang 8 sunod na panalo
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 29, 2022

Pumasa sa isa pang malaking pagsubok ang Phoenix Suns at nagwagi sa Philadelphia 76ers, 114-104, sa tapatan ng mga numero unong koponan ng Western at Eastern Conference sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Nagreserba ng lakas ang Suns sa 4th quarter upang makamit ang ika-walong sunod na panalo at lumayo na ang kartadang 61-14 panalo-talo.
Pinalapit ng dalawang free throw ni Joel Embiid ang 76ers, 100-101, subalit sinagot ng 3-point play ni Devin Booker at magkasunod na shoot nina Deandre Ayton at Chris Paul upang lumayo sa 3 minuto, 108-100. Inihatid ni Jae Crowder ang pandiin na tres, 114-102 at kumapit ang Suns sa nalalabing 1:35.
Nanguna si Booker sa 35 puntos habang 19 puntos at 14 assist si Paul. Kahit bigo, halimaw pa rin si Embiid na may 37 puntos.Sa sobrang higpit ng karera sa East, lumagpak sa tabla para sa 3rd at 4th place ang 76ers kasama ang Milwaukee Bucks sa 46-28. Dahil dito, kinuha ng Boston Celtics ang pagkakataon na makibahagi sa liderato sa bisa ng 134-112 tagumpay sa Minnesota Timberwolves.
Hindi pinatikim ng Celtics sa Timberwolves ang lamang at lumayo ng todo, 106-78, matapos ang bihirang 4-point play ni Jayson Tatum bago magwakas ang 3rd quarter. Nagtapos na may 34 puntos si Tatum habang 31 puntos si Jaylen Brown para sa anim na sunod para sa Boston at kartadang 47-28 na kapantay ang Miami Heat subalit hawak ng Celtics ang tiebreak.
Inipit ng bisitang Charlotte Hornets ang Brooklyn Nets, 119-110 at bahiran ang unang laro ngayong taon ni Kyrie Irving sa Barclays Center matapos luwagan ang patakaran ng New York City sa mga hindi bakunadong atleta. Namayani si LaMelo Ball na may 33 puntos ngunit ang mas mahalaga ay tumabla ang Charlotte sa Brooklyn sa kartadang 39-36 para sa 8th at 9th place at hawak ng Hornets ang tiebreak matapos manalo ng dalawang beses sa tatlong paghaharap.





Comments