top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Suns, sumingit na sa Playoffs; Kabayan Green bida sa Rockets

BULGAR
Mar 11, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 11, 2022




Nagpasilip ang Phoenix Suns ng posibleng tapatan para sa 2022 NBA Finals at tinalo ang Miami Heat, 111-90, sa paghaharap ng dalawang koponan na hawak ang liderato ng Western at Eastern Conference kahapon sa FTX Arena. Ang Suns na ang pinakaunang koponan na nakakasiguradong pasok sa playoffs sa Abril sa bisa ng kanilang ika-53 panalo sa 66 na laro.

Malamig ang simula ng Phoenix at pinabayaan nilang lumamang ang Miami sa first quarter, 23-12, subalit mula roon ay nagseryoso na sila. Matapos lumiban ng apat na laro dahil sa health protocol, bumalik sa aksyon si All-Star Devin Booker at kumilos para sa 9 na puntos sa 3rd quarter upang buhayin ang Suns at nararapat na ipinasok niya ang three-points na nagtayo ng pinakamalaking lamang, 109-82, at tatlong minuto ang nalalabi sa 4th quarter.

Nagtapos si Booker na may 23 puntos at sinuportahan ni Mikal Bridges na may 21 puntos at nakaganti sa 100-123 talo sa Miami noong Enero 8. Numero uno pa rin ang Heat sa East sa kartadang 44-23.

Bumuhos ng 32 puntos si kabayan rookie Jalen Green upang bitbitin ang Houston Rockets sa overtime kontra sa bisitang Los Angeles Lakers, 139-130, ang kanilang unang panalo sa apat na pagkikita ngayong taon. Ipinasok ni Green ang unang 7 puntos ng overtime upang umarangkada, 127-120, at tinuldukan ang kanyang laro sa tres na may isang minuto sa orasan, 136-125.

Ang 32 puntos ang pinakamarami sa musmos na karera ni Green at tinulungan siya ng kanyang mga kapwa-rookie na sina Josh Christopher at Alperen Sengun na parehong nag-ambag ng tig-21 puntos. Nasayang ang triple double ni LeBron James na 23 puntos, 14 rebound at 12 assist habang 30 puntos si Russell Westbrook at lumagpak ang Lakers sa 28-37 na nasa peligro na hindi makapasok sa playoffs.

Tahimik na umakyat sa 2nd place sa East ang Milwaukee Bucks matapos magtagumpay sa Atlanta Hawks, 124-115, sa likod ng 43 puntos at 12 rebound ni Giannis Antetokounmpo. Dalawang laro na lang ang hahabulin ng 42-25 Bucks sa nangungunang Heat habang bumaba sa pangatlo ang 40-24 Philadelphia 76ers.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page