Suns, no. 1 na sa liga, swak sa Playoffs ang Grizzlies
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 26, 2022

Pinili ni Chris Paul ang tamang panahon na bumalik sa aksyon at tumulong siya sa 140-130 panalo ng Phoenix Suns sa Denver Nuggets sa NBA kahapon sa Ball Arena. Dahil dito, nakasisigurado na ang Suns na sila ang numero uno sa liga ngayong taon sa kanilang hindi na mahahabol na ika-60 tagumpay at hawak ang home advantage sa buong NBA Playoffs sa Abril.
Matapos lumiban ng 15 laro dahil nabali ang hinlalaki, gumawa ng 17 puntos at 13 assist si Paul sa 30 minuto upang suportahan ang halimaw na laro ni Devin Booker na nagsabog ng 49 puntos at 10 rebound. Nagpakatatag ang 2 beterano sa pinagsama nilang anim na free throw sa huling 34 segundo upang mapigil ang mga banta ng Nuggets na lumapit.
Kahit hindi na magiging numero uno, pasok na rin ang humahabol na Memphis Grizzlies sa playoffs sa bisa ng 133-103 tambakan sa Indiana Pacers at umakyat sa 51-23. Namuno sa Memphis si Desmond Bane na may 30 puntos sa gitna ng balita na ipapahinga ni All-Star Ja Morant ang kanyang tuhod sa susunod na dalawang linggo.
Lalong lumapit ang Milwaukee Bucks sa layunin na maagaw ang liderato ng Eastern Conference at iniligpit ang bisitang Washington Wizards, 114-102, sa likod ng 24 puntos at 10 assist ni Jrue Holiday. Isang laro na lang ang naghihiwalay sa Bucks (46-27) sa numero unong Miami Heat (47-26) at hawak ng Bucks ang tiebreak kung sakaling pantay pa rin sila sa pagwakas ng regular season.
Ipinasok ni Pascal Siakam ang 10 ng kanyang 35 puntos sa 4th quarter upang manaig ang Toronto Raptors sa Cleveland Cavaliers, 117-104, at pantay na ang 2 koponan sa 41-32 para sa ika-anim at ika-7 puwesto sa East. Nagtala ng malaking panalo ang New Orleans Pelicans sa Chicago Bulls, 126-109, tampok ang 30 puntos ni Devone’ Graham.





Comments