Suns, nilusaw ang Lakers sa Play-In Tournament
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 7, 2022

Nakamit ng numero unong Phoenix Suns ang ika-63 panalo na pinakamarami sa kanilang kasaysayan kasabay na winakasan ang lahat ng pag-asa ng Los Angeles Lakers na mapabilang sa Play-In Tournament, 121-110, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Kahit naghihintay na lang ng makalalaro, naglabas pa rin ng bagsik ang Suns at pinagbakasyon ng maaga ang Lakers ng pangalawang beses sa apat na taon ni LeBron James sa koponan.
Hindi nagbihis para sa laro si James at humataw ang Phoenix sa 96-70 lamang sa third quarter sa likod ni Devin Booker na nagtapos na may 32 puntos. Kinailangan talaga ng Lakers ang magtagumpay matapos manaig ang ika-10 San Antonio Spurs sa Denver Nuggets, 116-97, sa likod ng tig-20 puntos nina Devin Vassell at Keldon Johnson upang itaas sa tatlong panalo ang lamang nila sa Los Angeles.
Papasok sa huling linggo ng liga ay hindi pa nakatitiyak ang Miami Heat kung sila ang magiging numero uno sa Eastern Conference matapos ang kanilang malaking 144-115 panalo sa bisitang Charlotte Hornets. Kahit may kartadang 52-28, maaari pa silang maagawan ng liderato ng mga humahabol na Boston Celtics, Milwaukee Bucks at Philadelphia 76ers na tabla lahat sa 49-30 at parehong may tatlong laro ang nalalabi sa kanilang kalendaryo.
Pumukol ng anim na three-points ang reserbang si Tyler Herro upang magtapos na may 35 puntos at tuluyang gumuho ang Hornets sa 4th quarter. Bumaba sa 40-39 at ika-10 ang Charlotte at napipisil na babanat sa ika-9 ang Atlanta Hawks (41-38) para sa kanilang knockout game sa Play-In.
Binigo ng Toronto Raptors ang Hawks, 118-108, upang masigurado ang puwesto sa playoffs at umiwas sa Play-In. Nakatulong sa Raptors ang kulelat na Orlando Magic na ginulat ang naghahabol na Cleveland Cavaliers, 120-115 at Milwaukee na nanaig sa Chicago Bulls, 127-106.





Comments