Suns, nanambak; 30 wins na ang Bucks; Cavs, habol sa lider
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 24, 2022

Maliwanag na ang Phoenix Suns ang numero unong koponan sa buong NBA matapos tambakan ang bisitang Indiana Pacers, 113-103, kahapon sa Footprint Center. Anim na sunod na ang tagumpay ng Suns at umangat sa 36-9 at 80 porsiyentong panalo.
Muntikan na ang Suns at biglang natapyasan ang 98-76 lamang sa fourth quarter sa anim na lang papasok sa huling apat na minuto, 106-99. Pinawi ng three-points ni Cam Johnson ang paghabol ng Pacers at nagsama sila ni Devin Booker para sa mga paniguradong free throw.
Bumuhos ng 23 puntos si Mikal Bridges at sinundan ni Bismack Biyombo na may 21 puntos at 13 rebounds. Nagdagdag ng 18 puntos at 16 assist si Chris Paul.
Ang World Champion Milwaukee Bucks ang unang koponan na umabot ng 30 panalo sa Eastern Conference matapos manaig sa bisitang Sacramento Kings, 133-127, ang kanilang ikatlong sunod. Kahit sila na ang may pinakaraming panalo, nanatili pa rin sila sa ika-apat na puwesto bunga ng 19 na talo kumpara sa mga nangungunang Brooklyn Nets (29-16), Chicago Bulls (28-16) at Miami Heat (29-17) na nagpahinga lahat kahapon.
Hawak ng Bucks ang laro buhat pa noong second quarter subalit saglit nagbanta ang Kings, 120-124, papasok ng huling minuto. Nagising ang Milwaukee sa dunk ni Jrue Holiday at mula roon ay ipinasok nina Donte DiVincenzo at Khris Middleton ang pitong free throw upang maiwasan ang disgrasya.
Namuno sa atake si Middleton na may 34 puntos at sinundan ni Holiday na may 26 puntos. Hindi naglaro si Giannis Antetokounmpo dahil masakit ang tuhod.
Sa isa pang laro, lumapit ang Cleveland Cavaliers sa mga nangunguna sa East at tinalo ang bisitang Oklahoma City Thunder, 94-87. Panalo ang Cavs sa anim sa kanilang huling pitong laro at umakyat sa 28-19, dalawang laro ang agwat sa numero unong Nets.
Patuloy ang mahusay na laro ni Darius Garland na 23 puntos at sinundan ni rookie Evan Mobley na 15 puntos. Limang sunod na ang talo ng Thunder kahit 29 puntos si Shai Gilgeous-Alexander.





Comments