top of page

Suns, mainit ang liderato; Irving Na-penalty dahil sa 'kabastusan'

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 22, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 22, 2022





Humabol sa huling siyam na minuto ang bisitang Phoenix Suns at binigo ang Dallas Mavericks, 109-101, at patigasin ang kapit nila sa liderato ng buong NBA kahapon sa American Airlines Center. Lalong lumaki ang agwat ng Suns kasunod ng tagumpay ng Indiana Pacers sa humahabol na Golden State Warriors sa overtime, 121-117.


Komportableng lamang ang Mavs sa 4th quarter, 89-80, subalit unti-unting lumapit ang Suns hanggang maagaw ang lamang sa bisa ng 3-point play ni sentro Bismack Biyombo, 102-99, at 1:49. Sinundan ng tres ni Chris Paul upang masigurado ang panalo, 107-99, at 26 segundo ang nalalabi.


Nanguna sa Sun si Devin Booker na may 28 puntos habang ipinasok ni Paul ang 20 puntos. Umangat ang Suns sa 35-9 panalo-talo sa Western Conference. Muling hindi nakalusot sa disiplina ng NBA ang Brooklyn Nets at pinagmulta si Kyrie Irving ng $25,000 (P1,285,825) matapos bastusin ang ilang tagahanga sa laban nila sa Cleveland Cavaliers noong Enero 17. Nagmulta rin ang Nets ng $25,000 at $10,000 (P514,330) si assistant coach at dating PBL Chowking import David Vanterpool dahil nakialam siya sa pasahan ng bola ng kalarong Washington Wizards noong Enero 19.


Bumida sa overtime si Pacers rookie Keifer Sykes para sa limang sunod-sunod na puntos upang itayo ang 120-115 lamang papasok sa huling minuto ng mainitang laban. Nanguna sa Indiana ang isa pang rookie na si Chris Duarte sa 27 puntos, Nasayang ang 39 puntos ni Stephen Curry at double-double si Kevon Looney na 13 puntos. Sa isa pang laro, nagwagi ang New Orleans Pelicans sa New York Knicks, 102-91. Umabot ng 25 ang lamang sa fourth quarter, 84-59, sa likod ni sentro Jonas Valanciunas na nagtapos na may 18 puntos.


Samantala, si LeBron James ng Los Angeles Lakers na ang may pinakamaraming boto matapos ang pinakabagong bilangan para sa 2022 All-Star Game sa Pebrero 20.


Kasamang pasok nina LBJ at Curry sa Western Conference sina MVP Nikola Jokic ng Denver Nuggets (4,132,522), Andrew Wiggins ng Warriors (2,644,571) at Ja Morant ng Memphis Grizzlies (2,623,359). Ang mga pasok sa Eastern Conference ay sina Kevin Durant ng Brooklyn Nets (5,496,513), Giannis Antetokounmpo ng World Champion Milwaukee Bucks (5,124,925) at Joel Embiid ng Philadelphia 76ers (3,305,229) at iba pa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page