Suns, Bulls, Timberwolves at Clippers, nagtagumpay
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 1, 2022

Nagising ang numero unong Phoenix Suns sa huling 2 minuto upang talunin ang bisitang San Antonio Spurs, 115-110, at mairehistro ang kanilang ika-10 sunod na panalo sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Patuloy rin ang pagsisikap ng Chicago Bulls na mabawi ang liderato ng Eastern Conference at nanaig sa bisitang Portland Trail Blazers, 130-116.
Sinayang ng Spurs ang 91-79 lamang sa simula ng 4th quarter at naging dalawa na lang o papasok sa last 2 minutes, 108-106. Mula roon ay bumomba ng magkasunod na three-points si Devin Booker at sinundan ng buslo ni Mikal Bridges para lumayo, 114-108, at 15 segundo sa orasan.
Namuno muli si Booker na may 28 puntos at sinundan ni Bridges na may 26 puntos. Patuloy din ang matinding numero ni Chris Paul na 20 puntos at 19 assist at ang Phoenix ang unang koponan na umabot ng 40 panalo ngayong taon na may siyam lang na talo.
Humataw ang Bulls sa 3rd quarter sa likod nina Zach LaVine, Javonte Green at Nikola Vucevic upang itayo ang 94-75 na lamang at hindi na nakaporma ang Blazers. Double-double sina Vucevic na 24 puntos at 14 rebound at DeMar DeRozan na 23 puntos at 10 assist at lumapit ang Bulls (31-18) ng kalahating laro sa nagpapahingang Miami Heat (32-18).
Ipinatikim ng Minnesota Timberwolves sa Utah Jazz ang unang talo sa loob ng Northwest Division, 126-106. Triple double si Karl Anthony Towns na 31 puntos, 11 rebound at 10 assist.
Nilimitahan ng depensa ng Los Angeles Clippers ang numero unong opensa sa NBA Charlotte Hornets sa pinakamababang puntos ngayong taon upang magtagumpay, 115-90. Gumawa ng tig-19 puntos sina Reggie Jackson at Brandon Boston Jr. habang hinihintay ng Clippers na gumaling ang pilay ng kanilang mga All-Star Paul George at Kawhi Leonard.
Ipinasok ng Atlanta Hawks ang huling walong puntos ng laro upang magtagumpay sa Los Angeles Lakers, 129-121. Nanaig si MVP Nikola Jokic sa dwelo niya sa dating MVP Giannis Antetokounmpo at binuhat niya ang bisitang Denver Nuggets sa 136-100 tambak sa Milwaukee Bucks.





Comments