Suns at Rockets, nanunog Vs. Warriors at Mavericks
- BULGAR
- Nov 18, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 18, 2022

Sinunog ng Phoenix Suns ang World Champion Golden State Warriors, 130-119, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Footprint Center. Bumida rin si kabayan Jalen Green sa bihirang panalo ng Houston Rockets sa Dallas Mavericks, 101-92.
Inilabas ng Suns ang kanilang shooting at bumanat ng 29 puntos si Cameron Payne at 27 si Devin Booker upang takpan ang pagliban ni Chris Paul dahil masakit ang sakong.
Nasayang ang 50 puntos ni Stephen Curry at kulang ang tulong at wala pa ring tagumpay ang Warriors sa walong laro nila sa labas ng kanilang tahanan sa Chase Center para sa 6-9 panalo talo.
Nagpasya si Coach Jason Kidd na ipahinga si Luka Doncic at pinagbayaran nila ito sa gitna ng mainit na laro ni Green na nagbagsak ng 17 puntos na kapantay ni Kevin Porter Jr. na may 17 puntos din at 11 rebound. Ito lang ang pangatlong tagumpay ng Rockets sa 15 laro ngayong taon at nanatili sa pinakababa ng buong liga kasama ang Detroit Pistons.
Ipinasok ni Shai Gilgeous-Alexander ang tres na may isang segundo sa orasan upang hatakin ang Oklahoma City Thunder sa 121-120 pagtakas sa Washington Wizards.
Nagtapos si SGA na may 42 puntos at sinundan ng kanyang kapwa-Canadian Luguentz Dort na may 16 puntos.
Pinatibay ng Boston Celtics ang hawak sa liderato ng buong NBA matapos tambakan ang Atlanta Hawks, 126-101. Talagang maaasahan ang “The Jays” at gumawa ng 22 puntos si Jaylen Brown na sinundan ni Jayson Tatum na may 19 puntos.
Nanaig ang Milwaukee Bucks sa Cleveland Cavaliers, 113-98, sa tapatan ng dalawang humahabol sa Celtics sa Eastern Conference. Umangat ang laro ni Brook Lopez sa kanyang 29 at sinuportahan ni Giannis Antetokounmpo na may 16 puntos at 12 rebound.





Comments