Suns at Nets, nakasilo ng liderato sa East/West
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 18, 2021

Nakakamit ng mahahalagang panalo ang Phoenix Suns at Brooklyn Nets upang patibayin ang liderato ng Western at Eastern Conferences ng NBA kahapon. Sinunog ng Suns ang bisitang Washington Wizards, 118-98, habang wagi ang kulang na Nets sa Philadelphia 76ers, 114-105.
Kinumpleto ni Kevin Durant ang bihirang 4-point play upang wasakin ang 103-103 tabla na may 1:46 sa orasan at sinundan ng 5 puntos upang lumayo papasok sa huling minuto, 112-103. Walong manlalaro lang ang ginamit ni Coach Steve Nash sa gitna ng suliranin ng health protocol kaya maraming kakampi ang hindi nakalaro tulad nina James Harden at LaMarcus Aldridge.
Namuno si Durant na may 34 puntos at 11 rebound. Hindi nagpahuli ang karibal sa 76ers na si Joel Embiid na may 32 puntos. Dikit ang laban sa first quarter at hinintay ng Suns ang second upang lumayo sa likod nina Deandre Ayton at Landry Shamet na patuloy ang paglaro bilang kapalit ng pilay na si Devin Booker. Umabot ng 26 puntos ang lamang ng Phoenix sa 4th quarter, 96-73, matapos ang dunk ni JaVale McGee.
Pinangunahan ni McGee ang pito pang kakampi na may 10 o higit pang puntos sa 17 puntos sa 16 minuto. Sinundan ni Shamet na may 16 puntos at Ayton na double-double na 15 puntos para sa kartadang 23-5 kapantay ng nagpapahingang Golden State Warriors.
Sa ibang mga laro, nanalo ang New York Knicks sa Houston Rockets, 116-103, sa likod ni Julius Randle na may 21 puntos. Wala pa ring linaw ang kalagayan ng pilay sa hita ni Fil-Am rookie Jalen Green at patuloy ang pagliban.





Comments