Suns at Mavs, entra na sa West at 76ers sa East Semis

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 30, 2022

Ibang klase ang ipinamalas na husay ni “Point God” Chris Paul at binuhat niya ang numero unong Phoenix Suns laban sa New Orleans Pelicans, 115-109, at pumasok sa Western Conference Semifinals sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Playoffs kahapon sa Smoothie King Center. Pasok na rin sa West ang Dallas Mavericks matapos lusutan ang Utah Jazz, 98-96, at Philadelphia 76ers sa East Semifinals sa bisa ng 132-97 tambak sa Toronto Raptors.
Perpekto at walang mintis si Paul sa 14 na tira para magtapos na may 33 puntos. Pinasahan ni Paul ang nagbabalik na si Devin Booker para sa 3-points na nagbigay sa Suns ng 106-104 na lamang na may 1:47 nalalabi at hindi na nila binitiwan ito.
Sinundan ito ng dunk ni Mikal Bridges at dalawang free throw ni Paul para lumayo, 110-104, at isang minuto sa orasan. Humirit ng 3-point play si Larry Nance, Jr. ng Pelicans, subalit sinagot ito ng huling shoot ni Paul para sa mas komportableng 112-107 agwat sa huling 28 segundo.
Nagwakas ang seryeng best-of-seven sa 4-2 at susunod para sa Phoenix ang Dallas. Tinapos din ng Mavs ang serye sa Jazz, 4-2, ang unang napagtagumpayang serye ng prangkisa buhat noong nakoronahang NBA World Champion noong 2011.
Sumandal ang Mavs sa tres ni Jalen Brunson upang lumamang sa last 2 minutes, 97-94. Pinalapit ni Rudy Gobert ang Jazz, 96-97, subalit dumagdag ng free throw si Brunson na may 4 na segundo sa laro at nagmintis ang 3-points ni Bojan Bogdanovic ng Jazz, sabay ubos ng oras.
Kumayod nang todo sina Brunson at Luka Doncic na parehong nagsumite ng 24 puntos. Sinuportahan sila nina Spencer Dinwiddie na may 19 na puntos at Dorian Finney-Smith na may 18 puntos at 10 rebound.
Dikitan ang bakbakan ng 76ers at Raptors sa first half, subalit biglang umarangkada ang bisitang Philadelphia sa second half. Lamang lang ng isa ang 76ers, 62-61, at uminit ang opensa nina Tyrese Maxey, James Harden, Tobias Harris at Joel Embiid sa third quarter upang lumayo papasok sa 4th quarter, 99-78, at naramdaman ng Toronto ang pagliban ni Fred VanVleet dahil masakit ang baywang.





Comments