Suns at Celtics, lumamang sa Nuggets at 76ers sa Semis
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 7, 2023

Mga laro ngayong Linggo
3:30 a.m. New York sa Miami
8:30 a.m. Golden State sa LA Lakers
Kahit wala si Chris Paul ay walang problema at nabuhay ang kampanya ng Phoenix Suns kontra sa bisita Denver Nuggets patungo sa 121-114 tagumpay sa 2023 NBA Western Conference Semifinals kahapon sa Footprint Center. Naagaw din ng bisita Boston Celtics ang pangunguna sa Eastern Conference Semis at dinaig ang Philadelphia 76ers, 114-102.
Nasaktan ang hita ni Paul noong Game 2 subalit nagawang takpan ang puwang ng mainit na shooting nina Devin Booker at Kevin Durant. Bumida ang dalawa para sa unang 9 na puntos ng 4th quarter para sa 99-88 lamang at tinuloy nila ito hanggang maubos ang oras.
Lumiyab para sa 47 puntos si Booker habang nag-ambag ng 39 si Durant at mas mahalaga ay nakaiwas ang Suns na mabaon sa 0-3 sa seryeng best-of-seven. Nasayang ang 32 puntos ni Jamal Murray at triple double ni Nikola Jokic na 30 puntos, 17 rebound at 17 assist.
Pinalamang ng tatlong free throw ni James Harden ang 76ers sa 2nd quarter, 36-33 at sinagot ito ng walong sunod-sunod na puntos ng Celtics para sa 41-36 lamang at hindi na nila binitawan ito. Binuksan ng buslo ni Jayson Tatum ang 4th quarter para sa pinakamalaking agwat, 90-77 at sapat na ito para maging 2-1 ang serye.
Gumawa pa ng karagdagang 8 puntos si Tatum upang umakyat sa 27 puntos na may kasamang 10 rebound. Sumuporta si Jaylen Brown na may 23 puntos.
Bago ang laro ay pormal na iginawad ang Michael Jordan Trophy sa bagong hirang na Most Valuable Player Joel Embiid ng Philadelphia. Puno ng emosyon sa seremonya kasama ang anak at magulang, nagtrabaho agad si “The Process” subalit kinapos ang kanyang 30 puntos at 13 rebound.





Comments