Sunog sa MV June Aster, naapula na... Natupok na mga bangkay, natagpuan

ni Mervin Reyes @News | September 12, 2026

Photo: Ang mga labi na nakuha sa nasunog na MV June Aster - PCG
Idineklara nang fire out ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sunog sa MV June Aster, na nasangkot sa insidente sa karagatan ng Coron, Palawan.
Ayon sa PCG, tuluyan nang naapula ang sunog alas-10:15 ng umaga ng Setyembre 11, matapos ang isinagawang firefighting operations ng mga responder.
Bago tuluyang maideklarang fire out, patuloy na nilalabanan ng mga responder ang apoy at usok na nagmumula sa loob ng barko. Nakalapit na rin ang mga responder sa MV June Aster upang magsagawa ng assessment at matukoy kung ligtas na itong pasukin.
Matapos tuluyang maapula ang apoy, isinagawa ng PCG at iba pang awtoridad ang safety assessment sa loob ng barko.
Sa isinagawang pagsusuri, natagpuan sa loob ng barko ang mga nasunog na bangkay sa bahagi ng economy accommodation area.
Sinabi ni PCG spokesperson Noemie Cayabyab na isinasagawa na ng PCG, PNP-SOCO at iba pang concerned agencies ang maayos na pagkuha, pagproseso at pagkilala sa mga labi, alinsunod sa itinakdang proseso.
Isinasagawa ang identification process upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang recovery operations sa loob ng barko.
Patuloy naman ang paghahanap sa 85 pang sakay ng barko.





Comments