Sunog sa Buglasan Festival, 9 sugatan

ni Mervin Reyes @News | October 23, 2026

Photo: Mayor Batchuk B. Cardenas
Siyam na katao ang sugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang booth ng Canlaon City sa Buglasan Festival sa Dumaguete City nitong Miyerkules ng gabi.
Sa video na kuha ni Leochelle Mansueto Borcelas, makikita ang mga taong nagsipagtalunan mula sa booth upang makaligtas sa sunog.
Ayon sa Buglasan Festival Committee, nakatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection (BFP) alas-9:04 ng gabi. Nakontrol ang apoy alas-9:09 at idineklarang ganap na naapula alas-9:15.
Dinala sa Negros Oriental Provincial Hospital at Silliman University Medical Center ang siyam na sugatan. Nagtamo ang mga ito ng mga galos at minor burns at nasa stable na kondisyon na.
Batay sa paunang ulat ng BFP, aksidente ang sunog na dulot ng problema sa elektrikal.
Iniutos ni Negros Oriental Gov. Manuel Sagarbarria sa Buglasan Safety and Security Committee na muling inspeksiyunin ang mga booth upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.





Comments