Sumuko sa cyber libel... Cong. Kiko, 3 oras nakulong, laya agad
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado / Janice Baricuatro @News | April 15, 2026

Agad na nakalaya si Congressman Francisco “Kiko” Barzaga, Jr. matapos itong magpiyansa ng P384,000 halos tatlong oras makaraang sumuko sa pulisya, kamakalawa ng gabi.
Alas-6:59 ng gabi nang magtungo sa Dasmariñas City Police Station ang 27-anyos na kongresista ng 4th District ng Cavite upang harapin ang walong bilang ng kasong cyber libel, paglabag sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa inilabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court Branch 147 sa Makati City, na pirmado ni Presiding Judge Karla Regina D. Valera-Chua nitong Abril 13, 2026, itinakda ang piyansa sa halagang P48,000 bawat kaso, na umabot sa kabuuang P384,000.
Matapos ang standard booking process, agad ding nakapagpiyansa ang kongresista sa tulong ng kanyang abogado kaya’t pansamantala itong nakalaya.
Nauna nang nagsampa ng reklamong cyber libel laban kay Barzaga sina Business tycoon Enrique Razon, Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, at Manila Rep. Rolando Valeriano.
Kaugnay ito ng Facebook post ni Barzaga noong Enero 9, kung saan inakusahan niya ang ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) na umano’y tumanggap ng suhol mula kay Razon sa mga pagtitipon sa Solaire bago ang 2025 elections kapalit ng suporta ng noo'y House Speaker na si Martin Romualdez.
Samantala, kasunod din ng kanyang paglaya, nanawagan si Barzaga para sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa isang social media post, iginiit ni Barzaga na si Marcos umano ang nasa likod ng kanyang pagkakakulong.
“Pinakulong ako ni Marcos, pero lumalaban pa rin ako! Ang dami na niyang ninakaw galing sa flood control. Masyado na niyang pinataas ang presyo ng gasolina, kailangan na natin siyang tanggalin bilang Presidente!” ani ng kongresista.




Comments