Summer Brew, sakalam sa Handicapping System
- BULGAR
- Jul 6, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 6, 2023
Sinisiw ng dehadong si Summer Brew ang mga liyamadong katunggali upang sikwatin ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Umarangkada agad si Summer Brew sa unahan paglabas ng aparato at hinawakan nito ang limang kabayong agwat sa mga kalaban sa backstretch.
Nirendahan ni class A rider O'Neal Cortez, walang nakasabay sa tulin ni Summer Brew kaya umabot hanggang siyam na kabayo ang bentahe nito sa pagsapit ng far turn.
Kaya naman nagkukumahog na ang mga kalaban ni Summer Brew pagdating ng rektahan kung saan ay nanatili ang malaking agwat na bentahe.
"Walang kahirap-hirap na nanalo si Summer Brew, pagsalida na nakuha ang bandera para alam mo ng tatapusin ang karera," saad ni Jerry Crisostomo, veteran karerista.
Tinawid ni Summer Brew ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang si Kazachan, tersero si Dambana habang pang-apat si Flattering You.
Inirehistro ni Summer Brew ang 1:39.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 na premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nasaksihan ni horse owner Joseph Dyhengco at DLSU Class 1970 Association Inc.ng Lipa City president Mario Mamon ang nasabing magandang karera.
Samantala, malapit na rin ikasa ang 2023 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown na pakakawalan sa Hulyo 16.





Comments