Sumakit ang dibdib, high blood... Marcoleta, inaresto, isinugod sa ospital
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | July 7, 2026

Photo: Rodante Marcoleta - FB
Isinugod sa PNP General Hospital si Senator Rodante Marcoleta matapos makaranas ng pananakit ng dibdib at mataas na presyon ng dugo kasunod ng kanyang pag-aresto kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Kinumpirma ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II na dinala sa ospital ang senador para sa agarang medical evaluation matapos magreklamo ng chest pain.
“Nagreklamo si Sen. Marcoleta ng chest pain at mataas 'yung BP niya. That's why dinala muna namin sa hospital. After ng medical niya, whatever na sasabihin ng mga doktor ng PNP, we will transmit it also kay Sandigan,” ani Morico.
Ayon sa opisyal, umabot sa mahigit 150 ang systolic blood pressure ng 72-anyos na senador kaya isinailalim siya sa electrocardiogram (ECG) at iba pang pagsusuri.
Una nang naaresto si Marcoleta matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano'y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations.
Kasabay niyang nahaharap sa kaso sina dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Bago ang arrest warrant, nagtungo nang maaga sa Sandiganbayan upang humarap si Marcoleta sa anti-graft court upang dinggin ang tatlo niyang nakabinbing mosyon, kabilang ang kahilingang suspendihin ang pagdinig ng kaso at pigilan ang pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ngunit ibinasura ng Third Division ang kanyang mga mosyon, na nagbigay-daan sa agarang pagpapatupad ng warrant at paglalagay sa kanya sa kustodiya ng mga awtoridad.
Sa halip na lisanin ang Sandiganbayan, nanatili si Marcoleta sa loob ng court complex at muling bumalik sa courtroom ng Third Division para sa pormal na paghahain ng warrant bago isailalim sa police custody.
Sa maikling pahayag sa media, sinabi ni Marcoleta na igagalang niya ang pasya ng hukuman at haharapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Mula roon ay isinakay siya sa isang police coaster at dinala sa male dormitory ng New Quezon City Jail sa Brgy. Payatas, kung saan siya mananatili habang nililitis ang kanyang kaso.
Ang naturang pasilidad ay dati ring pinagdalhan ng ilang kilalang personalidad na naharap sa mga kasong katiwalian, kabilang sina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. noong dinidinig ang kani-kanilang mga kasong plunder.
Habang unti-unting umaalis ang police coaster sa Sandiganbayan, itinaas ni Marcoleta
ang kanyang kamay at nagbigay ng flying kiss sa mga tagasuportang naghihintay sa labas ng gusali.
Samantala, inaresto na rin sina Defensor at Espiritu habang nagkakape sa isang branch ng Starbucks sa Timog Avenue, Quezon City.





Comments