State of national emergency, ideklara na — Sen. Bam
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | March 23, 2026

Photo: Bam Aquino - FB
Kasabay ng paggiit na nasa krisis na ang bansa, nagpahayag si Senador Bam Aquino ng suporta sa pagdedeklara ng state of national emergency upang makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng paglobo ng halaga ng langis sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Aquino, makatutulong ang nasabing maagap na hakbang upang matugunan ng pamahalaan ang epekto ng record-high na presyo ng langis at ang kasunod nitong pagtaas ng halaga ng bilihin, na maaaring magdulot ng mabigat na pasanin sa publiko at iba’t ibang industriya.
“Nasa crisis level na ang ating bansa kaya suportado natin ang pagdedeklara ng state of national emergency ng pamahalaan para matugunan ang patuloy na pagtaas na presyo ng langis at mapagaan ang pasanin ng taumbayan sa mataas na presyo ng bilihin,” wika niya.
“Huwag na sanang hintayin ng pamahalaan na lumala pa ang sitwasyon ito lalo’t wala pang katiyakan kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Gitnang Silangan,” saad pa niya.
Sa ilalim ng state of national emergency, maaaring gamitin ng Pangulo ang mas malawak na kapangyarihan upang ituon ang pondo ng gobyerno sa pagbibigay ng pinansyal at iba pang uri ng tulong sa iba’t ibang sektor, dagdagan ang pondo para sa repatriation ng overseas Filipino workers sa mga apektadong lugar, at magpatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng presyo.
“Makatutulong ang hakbang na ito para manatiling kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon at mapigilan ang patuloy na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin, habang tinitiyak na may sapat na tulong ang mga pinakaapektadong sektor,” giit ng senador.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangang mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng mga hakbang na ito upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga dapat makinabang at maiwasan ang anumang pang-aabuso o iregularidad.




Comments