top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

State of Calamity dahil sa COVID-19, tuloy pa ba?

  • BULGAR
  • Nov 28, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 28, 2022



Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang pagkakatuklas sa matindi at mas nakahahawang Omicron subvariant BQ. 1 sa bansa na hindi puwedeng balewalain dahil posible itong makaapekto sa mga pagdiriwang sa panahon ng Kapaskuhan.


Tiniyak ng DOH na ‘highly immune evasive’ ang bagong tuklas na BQ.1 kumpara sa iba pang subvariant na kung hindi nga naman mag-iingat ang ating mga kababayan ay posibleng mas mapabilis pa ang pakalat nito.


Labing-apat na ang kumpirmadong kaso sa bansa ng BQ., isang sublineage ng BA.5 subvariant—batay ito sa bagong genome sequencing na isinagawa ng Philippine Genome Center at Research Institute for Tropical Medicine (RITM).


Kung seseryosohin natin ang babala ng DOH, medyo nakakaalarma na dahil 13 sa kabuuang kaso ay nagkalat na sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Calabarzon, Central Visayas at National Capital Region.


Isang positibong kaso na lamang ang hindi pa makumpirma ng DOH kung nanggaling nga sa isang kauuwi pa lamang na OFW (Overseas Filipino Worker) at dahil sa medyo may kaluwagan na ang pagsunod sa mga health protocol ay tila wala sa tiyempo ang pasok ng BQ.1 na ito.


Ayon naman sa pahayag ng mga US health regulator, ang BQ.1 ay malapit na katulad umano ng BQ.1.1 subvariant na kasalukuyang humahawa sa may 16.6% ng ating mga kababayan na dinala sa iba’t ibang pagamutan at inaasahang dodoble pa anumang oras mula ngayon.


Sa Europe ay nagsasagawa na sila ng paghahanda sa kasalukuyan dahil inaasahan umano nilang magiging dominant variant itong BQ.1 sa loob ng isang buwan at posibleng lumala pa kung hindi pagtutuunan ng pansin.


Kaugnay nito’y nanawagan ang Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) at inirerekomenda nila ang pagpapalawig ng national state of calamity dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), na nakatakdang magtapos sa Disyembre.


Ayon sa pananaw ng PHAPI, hindi tamang tapusin na ito ngayong taon at hinihiling nilang palawigin ito hanggang sa unang quarter ng taon dahil sa kabila umano ng mga ulat na bumababa na ang kaso ng COVID-19 ay nasa 17,000 pa rin ang aktibong kaso at hindi pa kabilang ang bagong BQ.1 variant.


Tinitiyak ng PHAPI na magiging tuluy-tuloy pa rin ang hawaan at baka mas tumaas pa dahil sa marami na ang hindi na nagsusuot ng facemask, lalo na’t napakaraming aktibidades ngayong holiday season na kahit mga bata ay kasama sa pakikipagsiksikan sa mga mall, restaurant at recreation area.


Kung aalisin ang state of calamity ay posible umano itong makaapekto sa implementasyon ng mga umiiral na panuntunan para matugunan ang pandemya na may mandato ng batas na ipinasa noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.


Hindi nga naman sa paghiling at muling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa na hindi naman malayong mangyari dahil mataas pa rin ang kaso ng hawaan ay tiyak na maaapektuhan ang mabilis na pag-angkat ng bakuna, ang pagbabakuna mismo at ang probisyon ng benepisyo para sa mga health workers.


Sa ngayon umano kung titingnan ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga pagamutan ay hindi ganun kataas, ngunit wala umano itong kaugnayan sa patuloy na pagtaas ng kaso, lalo na sa mga lalawigan at iba pang rehiyon.


Aminado ang PHAPI na low risk pa rin o mas mababa na sa 25 porsyento, maliban sa Visayas na may pagtaas pang nararanasan; mas mataas sa 25 porsyento sa Region 6 at 7, ngunit sa kabuuan ay wala namang nararanasang pagtaas ng kaso sa lahat ng pribadong pagamutan.


Matatandaang noong Oktubre 28 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang executive order (EO) na pinapayagan na ang boluntaryong pagsusuot ng facemask sa loob o labas ng mga establisimyento.


Sinagasaan ng naturang EO ang umiiral na pagpapatupad ng minimum health standards sa gitna ng public health emergency na may kaugnayan sa COVID -19 pandemic dahil naniniwala ang Pangulo na napapanahon na ito para maibalik sa normal ang lahat.


Ayon sa pangulo, ang bulontaryong pagsusuot ng facemask ay positibong hakbang at pagtanggap umano sa pagbabago tungo sa pag-unlad na mag-eengganyo sa mga tao na mamuhay na normal para muling sumigla ang ekonomiya.


Nakapaloob din sa naturang EO na ang mga kalapit na bansa natin sa Southeast Asia at iba pang pamahalaan sa maraming bansa ay niluwagan na rin ang kanilang pagpapatupad sa paggamit ng facemask na hindi naman umano nagkaroon ng epekto sa pagtaas ng kaso COVID-19 na naitala sa kani-kanilang lugar.


Handa na umano ang bansa dahil sa umabot na sa 73.5 milyong Pilipino ang fully vaccinated na, habang nasa 20.5 milyong inbidiwal naman ang naturukan na ng booster at patuloy pa rin naman ang bakunahan.


Gayunman ay iniutos ng Pangulo na dapat magsuot pa rin ng facemask sa mga healthcare facilities, medical transport vehicles at pampublikong sasakyan.


Hangga’t maaari ay hinihikayat din ang may iba pang karamdaman, mahina ang pangangatawan, buntis, symptomatic at lalo na ‘yung mga kababayan nating wala pa ring bakuna hanggang ngayon na dapat magsuot ng face mask.


Puro positibo ang mga rekomendasyon at implementasyon na lahat ay tungo sa ikabubuti ng bansa pero ang malaking tanong kung sa darating na katapusan ng taon ay katapusan na rin ba ng umiiral na state of calamity? Sana goodbye COVID na talaga!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page