Start ng klase para sa SY 2024-2025 sa July 29 na
- BULGAR

- May 23, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 23, 2024

Aprub na ang panukalang pagbubukas ng klase sa July 29, 2024, habang magtatapos sa April 15, 2025 para sa School Year 2024-2025.
Ang naturang hakbang ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ng Department of Education (DepEd) para sa unti-unting pagbabalik ng school days sa traditional arrangement.
Sa isang pahayag, sinabi ng Malacañang na napagkasunduan ito sa isang sectoral meeting kasama sina PBBM at Vice Pres. at DepEd Secretary Sara Duterte, na ang mga paaralan ay ililipat unti-unti sa lumang school calendar.
Nitong Martes, pinulong ni Pangulong Marcos si VP Sara sa Malacañang, kung saan iprinisenta ang dalawang option para maibalik sa dating June-March ang school calendar.
Sa unang option, magkakaroon ng 180 school days at 15 in-person Saturday classes, at ang ikalawang option, magkakaroon ng 165 school days at walang in-person Saturday class na parehong magtatapos sa March 31, 2025.
Gayunman ayon sa Pangulo, maikli ang 165 days, at hindi niya rin nais na pumasok ang mga estudyante tuwing Sabado. Aniya, sa halip na magtapos sa March 31, 2025, dapat ay i-adjust na lamang ng DepEd ang school year sa April 15, 2025 para makumpleto ng mga estudyante ang 180 araw at hindi na kailangan pang pumasok tuwing Sabado.
Para sa School Year 2025-2026, babalik na sa June ang pasukan habang magtatapos ng March o ang dating tradisyunal na school calendar.
Matatandaang ipinatupad ng mga paaralan ang pagbubukas ng mga klase ng August noong 2020 dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 at isinuspinde ang mga face-to-face classes.
Habang sa pagbabalik naman ng in-person classes, ang mga paaralan kamakailan ay napipilitan na suspendihin ang mga klase dahil sa matinding init na dulot ng El Niño phenomenon o tagtuyot.
Mabuti at maagang nagdesisyon ang pamahalaan na unti-unting ibalik ang pagbubukas ng klase sa dating school calendar.
Mas mainam kasi ang ganitong iskedyul para sa ating mga estudyante habang makakapagpokus pa sila nang husto sa pag-aaral.
Gayundin, kahit papaano ay makakapag-adjust ang ating mga guro sa kanilang pagtuturo.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay laging makapag-isip ng mga magagandang proyekto at programa para sa ikabubuti at kapakanan, hindi lang ng mga estudyante at guro, kundi pati na rin ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments