Stajcic out na sa Phl Booters, PFF hahanap ng new coach
- BULGAR
- Aug 2, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 2, 2023

Maraming salamat po Coach Alen Stajcic! Nagpahayag kahapon si Philippine Women’s Football National Team Manager Jefferson Cheng na hindi pipirma ng bagong kontrata ang batikang coach upang mabigyan siya ng pagkakataon na humanap ng mga bagong oportunidad
Matapos makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa bisa ng pagiging semifinalist sa AFC Women’s Asian Cup India noong Enero, 2022 ay pumirma ng bagong kontrata ang coach na tatakbo hanggang katapusan ng pandaigdigang torneo. Bunga ng tagumpay na natamasa ng Filipinas, hindi sikreto na pag-aagawan ng ibang pambansang koponan at mga pro club ang kanyang serbisyo.
Puno ang kalendaryo ng mga Pinay sa 2022 Hangzhou Asian Games sa Setyembre at Paris 2024 Olympic Qualifier Round Two sa Oktubre. Dahil sa pangyayari, maikli na lang ang panahon ng Philippine Football Federation (PFF) na maghanap ng mga bagong coach.
Bago lumabas ang desisyon, naghain ng ilang panukala si Coach Stajcic sa pagpapatuloy ng pag-usbong ng Football noong Linggo matapos ang 6-0 talo sa Norway. Pangunahin dito ang pagpapalakas ng mga Youth Team at pagtatayo ng mga academy sa lahat ng rehiyon.
Samantala, naghatid ng kanyang pagbati si Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino at hiling niya na magpakita ng lakas ang Filipinas sa Asian Games. Nabunot ang pambansang koponan sa Grupo E kasama ang 2018 bronze medalist Timog Korea, Hong Kong at Myanmar.
Nagpasalamat din sina PFF President Mariano Araneta at General Secretary Atty. Edwin Gastanes kay Cheng at Coach Stajcic. Parehong naniniwala ang mga opisyal na nagdala ng inspirasyon at saya ang Filipinas at napatunayan na kaya nilang sumabay sa mga higante ng Football habang pinagkakaisa ang bansa.





Comments