St. Clare, nakasalba, Builders nagpa-knockout sa D-League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 3, 2022

Pinatunayan muli ni Johnsherick Estrada ang kanyang kalidad at isinalba niya ang Adalem Construction-St. Clare College laban sa numero unong Apex Fuel-San Sebastian, 80-66, sa huling araw ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup elimination round kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Biglang naging knockout ang sumunod na laro at kinuha ng Builders Warehouse-UST ang huling upuan nang mabigo ang Wang's Basketball-Letran, 89-81.
Nakaiwas ang Saints sa komplikasyon at sinigurado ang kanilang pagpasok sa quarterfinals na may 4-3 panalo-talo. Pumantay ang UST at Letran sa 3-3 at hawak ng UST ang tiebreaker sa bisa ng kanilang panalo.
Matapos walang ginawa sa first half, pumutok si Estrada para sa 13 puntos upang palakihin ang kanilang 36-35 lamang sa 60-51 papasok sa huling quarter. Hindi na napigil ang arangkada at lalong lumobo ang agwat, 77-61, sa bisa ng three-point play ni Joshua Fontanilla at 2:12 sa orasan.
Nagtapos si Estrada, ang kasalukuyang MVP at Rookie of the Year ng NAASCU, na may 19 puntos. Nanguna sa Saints si John Edcel Rojas na may 20 puntos.
Nanatiling numero uno pa rin ang Stags sa kartadang 5-2 kahit nagtabla sila ng EcoOil-De La Salle na tinambakan ang kulelat na AMA Online Education sa pangatlo at huling laro, 92-49. Pasok agad sa best-of-three semifinals ang Apex Fuel at EcoOil at maghihintay na lang ng kanilang mga makakalaro.
Matiyagang humabol ang Tigers mula sa pitong puntos maaga sa 4th quarter, 64-71, hanggang ibinalik ni Kean Baclaan ang lamang sa kanyang three points, 76-75. Mula sa huling tabla na 79-79, bumanat ng 6 pang puntos si Baclaan kasama ang mga shoot nina Bryan Santos at Miguel Pangilinan upang itapal ang ika-apat na sunod na talo ng Knights at isara ang pinto ng playoffs sa kanila.





Comments