St. Clare at Apex, mas sakalam sa Builders at Eco Oil sa D-League
Updated: Jul 25, 2022
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 22, 2022

Natakasan ng Adalem Construction-St. Clare College ang hamon ng walang panalong Builders Warehouse-UST, 87-86, sa pagbabalik ang 2022 PBA D-League Aspirants Cup sa Araneta Coliseum kahapon. Sa sumunod na laro, hindi pinaporma ng Apex Fuel-San Sebastian ang Eco Oil-De La Salle, 73-51, para sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay.
Binuhat ni Johnsherick Estrada ang Adalem Construction sa 4th quarter patungo sa kanilang pinakamalaking lamang, 76-65. Pumalag ang Builders Warehouse at tinapyas sa isa na lang ang agwat, 75-76, subalit bumanat ng dalawang magkasunod na shoot si Estrada upang makahinga ng maluwag ang Saints, 80-75.
Humirit ng 3-points si Sherwin Concepcion upang palapitin ang Tigers, 82-84, at 1:15 sa orasan ngunit matatag ang Saints at sinagot ito ng mahalagang buslo ni Raymart Angelo Sablan para lumayo papasok sa huling minuto, 86-82. Naging pagalingan ng free throw ang labanan hanggang ipinasok ang tres na may isang segundong nalalabi subalit nabitin ang paghahabol.
Ipinasok ni Estrada ang 13 ng kanyang 21 puntos sa fourth quarter na may kasamang walong rebound at limang assist upang umakyat sa kartadang 3-2. Sumunod si Joshua Fontanilla na may 17 puntos at pitong assist at John Edcel Rojas na may walo ng kanyang 16 puntos sa fourth quarter.
Todo higpit na depensa ang susi ng Apex Fuel at kumana sila ng 10 sunod-sunod na puntos bago magwakas ang first quarter, 21-9. Hindi nakabangon ang Green Archers mula doon at umabot hanggang 26 ang lamang ng Stags sa fourth quarter, 73-47.
Nanguna sa Green Archers sina Michael Phillips at ang bihirang gamitin na si JC Macalalag na may tig-11 puntos. Pumantay sa 2-2 ang panalo-talo ng Eco Oil na paghahandaan ang kanilang matinding salpukan sa numero unong Wangs-Letran sa darating na Martes sa Ynares Sports Arena.





Comments