St. Clare-Adalem, tumabla sa Eco Oil-DLSU sa Game 2
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 15, 2022

Buhay na buhay pa rin ang Adalem Construction-St. Clare College at binigo ang EcoOil-De La Salle, 72-64, sa Game Two at itabla ang kanilang seryeng best-three sa pagpapatuloy ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup semifinals kahapon sa Araneta Coliseum. Aabot din ng Game 3 ang kabilang serye at pumantay ang numero unong Apex Fuel-San Sebastian sa Marinerong Pilipino, 82-74.
Kinailangan ang mabangis na laro nina Joshua Fontanilla at Johnsherick Estrada upang ipilit ang winner-take-all ngayong Miyerkoles sa parehong palaruan. Second quarter pa lang ay nagtrabaho ang dalawa upang baligtarin ang 19-14 lamang ng EcoOil at umabante ang Adalem Construction sa halftime, 34-29.
Lamang ang Saints, 67-59, subalit humabol ang Green Archers at naging tatlo na lang matapos ang dunk ni Kevin Quiambao, 64-67, at 2:41 sa orasan. Iyan na ang huling hirit ng EcoOil at bumanat ng 3-points si Estrada na sinundan ng dalawang free throw ni Fontanilla upang masigurado ang panabla sa serye. “Maganda ang laro ng mga malalaki namin sa simula at tinapos nina Fontanilla at Estrada ang laban,” wika ni Coach Jinino Y. Manansala Sr. “Ako ang inaasahan ng mga teammate ko na mamuno subalit iniwan ko sila noong Game 2 kaya ginawa ko ang lahat para makabawi sa kanila,” dagdag ni Fontanilla.
Todo determinado si Fontanilla na dalawang puntos lang ang ginawa noong Biyernes sa kanilang 74-89 talo sa Green Archers. Ipinasok niya ang pito ng kanyang 21 puntos sa 4th quarter habang tumira ng 11 kanyang 22 puntos si Estrada.
Mga laro sa Miyerkules – Araneta Coliseum 9:00 AM Apex Fuel-SSC vs. Marinerong Pilipino 11:00 AM EcoOil-DLSU vs. Adalem Construction-St. Clare





Comments