SSS salary loan application, online na
- BULGAR

- 3 days ago
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | April 20, 2026

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang stock clerk ng isang department store. Nais ko sanang malaman kung puwede na akong mag-apply ng loan sa SSS online? At ano po ang kailangan kong gawin? Salamat. — Faye
Mabuting araw sa iyo, Faye!
Hindi mo nabanggit ang iyong SS number upang i-verify namin kung kwalipikado kang mag-apply sa Salary Loan Program ng SSS.
Ang salary loan ang isa sa pinakasikat na programa na pautang ng SSS at maraming miyembro ang ginagamit ito upang matugunan ang kanilang mga panandaliang pangangailangang pampinansyal.
Upang makahiram ka sa programang ito, ikaw ay dapat nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 na buwanang kontribusyon o tatlong taon kung saan ang anim na kontribusyon ay naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file mo ng loan application.
Ang halaga naman ng maaari mong mahiram sa SSS ay nakabatay sa monthly salary credit (MSC) o ang salary level ng iyong buwanang kita. Ito ay ang batayan sa computation ng lahat ng mga benepisyo at loan programs sa SSS.
Sa kasalukuyan, ang maximum loanable amount naman para sa salary loan ay hanggang P40,000 lamang.
Faye, online na rin ang pagpa-file ng salary loan application sa pamamagitan ng My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Ang umpisa sa pag-aaply sa salary loan ay ang pagkakaroon ng My.SSS account dahil online na ang aplikasyon at wala nang walk-in application.
Kung wala ka pang My.SSS account, maaari kang mag-create ng iyong account sa pamamagitan ng pagtungo sa SSS website at i-click ang “Create a My.SSS account or login” para simulan ang pagrerehistro. Kinakailangan lamang na ikaw ay rehistrado at mayroong kang My.SSS account gayundin ang enrolled bank/savings account sa Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na makikita rin sa SSS website. Dagdag dito, sa iyong rehistradong bank account i-credit ng SSS ang iyong salary loan na mas mabilis mo namang matatanggap.
Kapag nakapag-login ka na sa My.SSS Portal, piliin ang “E‑Services” at pindutin ang “Apply for Salary Loan.” Punan ang mga kinakailangang impormasyon at basahin din ang terms and conditions ng loan application bago ito isumite.
Maaaring bayaran ang salary loan sa loob ng 24 buwan o dalawang taon. Ito ay may interes na 8% bawat taon batay sa diminishing balance kung ikaw ay hindi nagmimintis ng iyong monthly amortizations sa tamang oras.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.

Comments