Mga dapat gawin sa paglipat bilang voluntary member ng SSS
- BULGAR

- 51 minutes ago
- 4 min read
by Info @Buti na lang may SSS | July 12, 2026

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay nawalan ng trabaho a year ago. Maaari ko bang ipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS kahit wala na akong employer? Paano ko ito magagawa? Salamat
— Sheila
Mabuting araw sa iyo, Sheila!
Maaari mong ipagpatuloy ang iyong paghuhulog bilang voluntary member sa Social Security System (SSS).
Kung dati ka nang miyembro ng SSS—bilang empleyado, self-employed, o overseas Filipino worker (OFW)—at hindi na bahagi ng anumang income-generating activity, maaari kang maging voluntary member. Magbibigay-daan ito para maipagpatuloy mo ang pagbabayad ng iyong kontribusyon sa SSS at mapanatili ang pagiging eligible mo sa mga benepisyo ng SSS.
Ang paglipat sa voluntary membership ay madali lamang:
1.Mag-log in sa iyong My.SSS account. Napakahalaga na ang isang miyembro ay mayroong My.SSS account.
2.Mag-generate ng Payment Reference Number (PRN). Piliin ang “Voluntary” sa type of membership.
3.Bayaran ang iyong kontribusyon gamit ang PRN sa pamamagitan ng iyong nais na payment channel.
Walang hinihinging karagdagang mga dokumento ang SSS kung ikaw ay magbabago ng iyong membership at magiging voluntary member. Ang iyong deklarasyon sa panahon ng PRN generation ay sapat na.
Bilang isang voluntary member, maaari kang magbayad ng iyong SSS contributions kada buwan o quarterly. Ang payment deadline ay ang huling araw ng kasunod na buwan ng applicable month o quarter. Halimbawa, kung magbabayad ka para sa Hulyo, ang iyong deadline ay ang huling araw ng Agosto. Kung magbabayad ka para sa ikalawang quarter (Abril-Hunyo), ang iyong deadline ay ang huling araw ng buwang ito (Hulyo 31).
Kung ang deadline ay pumatak ng Sabado, Linggo di kaya’y holiday, maaari mong bayaran ang iyong kontribusyon sa kasunod na working day. Halimbawa, magbabayad ka para sa Hulyo na ang deadline ay Agosto 31. Dahil ang Agosto 31 ay pumatak ng araw ng Linggo, maaari mong bayaran ang iyong July contribution sa Setyembre 1 na siyang kasunod na working day.
Ang pagbabayad ng iyong kontribusyon sa tamang oras ay mahalaga upang mapanatili ninyo na kayo ay karapat-dapat sa mga benepisyo ng SSS lalo na ang mga short-term benefits, gaya ng sickness at maternity, na nangangailangan na may recency ng hulog. Ang mga buwan na nalaktawan na ninyo sa pagbabayad ng kontribusyon ay hindi na maaari pang balikan dahil walang retroactive payment sa SSS, kaya mahalagang tandaan ang contribution payment deadline.
Mas pinadali na rin ng SSS ang pagbabayad ng iyong mga kontribusyon gamit ang iba’t ibang payment options:
Over-the-counter: Ipakita ang iyong PRN kapag magbabayad sa mga partner banks;
Bancnet e-Gov Facility / Partner Bank o Website ng Collecting Partner o Partner Bank o mobile app ng Collecting Partner. Piliin ang SSS sa ilalim ng Biller at isaad ang PRN bilang account number o reference number;
Mobile app gaya ng GCash.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang (5) taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
***
Pinag-iingat ang mga pensyonado at miyembro laban sa mga taong nagpapangap na taga-SSS. Hindi tatawag ang sinumang tunay na empleyado ng SSS at magpapadala ng isang link ng isang app para i-install sa kanilang smartphone mobile devices. Kumuha lamang ng tamang impormasyon sa mga official social media accounts ng SSS. Bisitahin at i-follow ang opisyal na page ng SSS sa Facebook, X (ang dating Twitter), YouTube, at Viber, hanapin lang ang MYSSSPH. Maaari rin kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


Comments