Sri Lanka at ‘Pinas, parehong baon sa utang at problema ang political dynasty
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 23, 2022
KUNG ANG SRI LANKA BAON SA UTANG AT MAY POLITICAL DYNASTY, GANYAN DIN ANG PROBLEMA NG ‘PINAS–Nalugmok ang Sri Lanka, nabangkarote ang kanilang pamahalaan, gutom na ang inaabot ng kanilang mamamayan at ang sanhi ng matinding krisis na nararanasan ngayon sa bansang ito ay dalawang dahilan, ang pagkabaon sa utang at pangungurakot ng political dynasty.
Huwag sanang mangyari sa Pilipinas ang nangyari sa Sri Lanka kasi ang problema nila ay kahalintulad ng problema ng ating bansa, na baon sa utang at pamamayagpag ng mga trapo na nagtataguyod ng political dynasty sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
SABLAY ANG PAYO KAY P-BBM NA PAMUNUAN ANG AGRICULTURE DEPARTMENT–Kung sinuman ang nagpayo kay Pres-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pamunuan ang Department of Agriculture (DA) ay sablay ang payo na ‘yan.
Napakarami kasing problemang kinahaharap ang bansa, tulad ng problema ng mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS), problema ng mga manggagawa sa contractualization at mababang suweldo, problema ng mga tsuper sa sobrang taas ng presyo ng krudo, problema ng komyuter sa taas-pasahe, problema ng lahat ng mamamayan sa taas-presyo ng bilihin, bayarin sa kuryente, tubig, health care system, korupsiyon, krimen, ilegal na droga at pagkabaon sa utang ng Pilipinas, kaya’t mali na ang pangulo ng Pilipinas ay magpopokus lang sa problema ng agrikultura, period!
◘◘◘
PARA MATIGIL ANG PAMBABATIKOS NG MGA MAGSASAKA, HUWAG PAMUNUAN NI P-BBM ANG AGRICULTURE DEPARTMENT–Binatikos ng grupo ng mga magsasaka, tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Amihan, ang pasya ni P-BBM na siya ang mamuno sa agriculture department, dahil ayon sa mga magsasaka ay hindi pa nila limot ang naranasang nilang hirap at pagkagutom sa Masagana ‘99 na inilunsad noon ng ama ni Bongbong na si ex-Pres. Ferdinand Marcos at ang pambubulsa ng mga kroni ng ex-president sa bilyun-bilyong coco levy fund.
Para matigil na ang pambabatikos ng mga magsasaka kay P-BBM sa isyung ito, ang dapat niyang gawin ay magtalaga ng kalihim ng agriculture department, para sakaling pumalpak, hindi siya ang mababatikos, kundi ang itinalaga niyang agriculture secretary, boom!





Comments