Squatter, maruming ilog, karinderya, tinakpan para sa ASEAN... Ganda ng 'Pinas, ipakita natin — Claire

ni Mylene Alfonso @News | November 13, 2026

Photo: Atty. Claire Castro - PCO
Ipinagtanggol ng Malacañang ang paglalagay ng mga facade at barrier na tumatakip sa ilang ilog at lugar sa mga kalsadang patungo sa paliparan at mga pagdarausan ng 49th ASEAN Summit.
Ito ay matapos umani ng puna ang ginawang pagtatakip, na kinuwestiyon ng ilan dahil tila itinatago umano sa paningin ng mga dayuhang delegado ang maruruming ilog, mga karinderya at mga komunidad ng informal settlers.
Ipinaliwanag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na bahagi ng mga hakbang sa seguridad ang paglalagay ng mga harang, kabilang ang pansamantalang pagpapasara sa ilang tindahan.
Bukod dito, layunin din umano ng mga facade na maipakita ang mga likhang-sining ng mga Pilipinong artist upang maipakilala ang talento ng mga lokal na alagad ng sining.
“Hindi mismo ang Pangulo ang nagpapaganda sa sarili niya, ang pinapaganda niya ay bansa at ang kapakanan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Castro sa Palace briefing.
“Anong gusto nilang makita sa ating bansa, isang maduming bansa? Huwag ipahid kay Pangulo ang lahat ng mga pagbibintang nila nang walang anumang basehan,” dagdag niya.





Comments