top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Spurs, sinampolan agad ang Jazz ni Fil-Am Clarkson

BULGAR
Oct 6, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 06, 2021



Pinabagsak ng San Antonio Spurs ang bisitang Utah Jazz, 111-85, sa pagsisimula ng kanilang mga kampanya sa 2021 NBA Preseason kahapon sa AT&T Center. Hindi naging sapat ang pagbida ni Sixth Man Jordan Clarkson sa gitna ng mainit na laro ng Spurs na umarangkada agad sa first quarter.

Parehong nagtala ng tig-17 puntos sina Dejounte Murray at rookie Joshua Primo para sa Spurs. Matapos ang apat na taon sa San Antonio, lumipat si Rudy Gay sa Jazz subalit hindi siya ipinasok.

Saglit lang ginamit si Clarkson pero pumukol siya ng tatlong tres upang magtapos na may 11 puntos sa loob ng 14 minuto. Nanguna sa Jazz si rookie Jared Butler na may 16 puntos habang may 10 puntos si All-Star Donovan Mitchell.

Samantala, masasaksihan ngayong araw ang unang salang sa preseason ni Fil-Am rookie Jalen Green sa Houston Rockets sa pagsalubong sa bisitang Washington Wizards sa Toyota Center. Masusukat na ang husay ng binata matapos magpakitang-gilas noong nakaraang Las Vegas Summer League.

Ngayon, makakasama na niya ang mga beterano sa pangunguna ni All-Star John Wall at sentro Christian Wood. Malaki ang nakasalalay sa balikat ni Green na maiahon ang Rockets matapos magtala ng pinakakulelat na kartadang 17-55 panalo-talo noong nakaraang NBA.

Bilang pangalawang napili sa 2021 NBA Draft, napipisil si Green na magiging susunod na bituin ng koponan. Maaaring siya ang susunod sa yapak ni James Harden na lumipat sa Brooklyn Nets noong Enero matapos niyang ihayag ang nais na umalis sa Rockets.

Ngayong taon ay babalik na sa kinagawiang tig-82 laro ang bawat koponan. Napilitang maglaro ang NBA gamit ang pinaikling kalendaryo sa nakaraang dalawang taon bunga ng pandemya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page