top of page
Search
  • BULGAR

Sports sa kabataan, dapat tutukan para iwas-droga

@Editorial | October 08, 2023


Makalipas ang 61 taon, muling naghari sa basketball sa Asian Games ang Pilipinas.


Ito ay nang maka-gintong medalya makaraang makabawi at talunin ng tropang Gilas sa finals ang Jordan, 70-60, sa kanilang laban sa Hangzhou, China kamakalawa.


Taong 1962 pa nang huling iuwi ng Philippine team ang gold medal sa men’s basketball sa Asian Games.


Dahil sa panalo ng Gilas, nadagdagan ang gintong medalya ng Pilipinas na apat na.


Kabilang dito ang nakamit na gold nina pole vaulter EJ Obiena at jiu jitsu stars na sina Meggie Ochoa at Annie Ramirez.


Sa kabila ng mga hamon na kanilang hinarap sa training at iba pa, hindi maikakaila na talagang nagpamalas sila ng matinding determinasyon at husay upang makamit ang tagumpay para sa ating bansa.


Kaugnay nito, umaasa tayo na hindi natatapos sa pagpapasalamat at pagsasabing proud ang Pilipinas sa kanilang pagkapanalo. Kailangang mas suportahan pa ang ating mga atleta.


Bilang sukli sa kanilang sakripisyo at dedikasyon, hindi naman siguro kalabisan kung patuloy na itataguyod ang mas malaking pondo para sa mga programang pang-sports ng bansa, lalo na para sa mga atletang sasali sa mga pandaigdigang kompetisyon.


Huwag sanang panghinayangan ang pagbibigay ng mas mataas na insentibo at benepisyo para sa mga atletang kumakatawan sa ating bansa.


Bukod sa suporta sa international competitions, marapat ding matutukan ang sports sa kabataan.


Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang stakeholders, i-promote natin ang sports.


Ang mga liga sa iba’t ibang barangay ay epektibong paraan upang mailayo sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga ang mga kabataan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page