Splash Brothers, uminit, kumukulo ang laro ng Kings
- BULGAR
- Nov 22, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 22, 2022

Nakatikim na rin ng panalo sa labas ng kanilang tahanan at nanaig ang World Champion Golden State Warriors kontra sa Houston Rockets, 127-120, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Toyota Center. Binuhay din ng Los Angeles Lakers ang kanilang kampanya matapos durugin ang bisitang San Antonio Spurs, 123-92.
Uminit ang “Splash Brothers” sa fourth quarter at nagbagsak ng tig-siyam na puntos sina Stephen Curry at Klay Thompson. Tinuldukan ang mahusay na laro sa magkasunod na 3-points upang bigyan ang Warriors ng komportableng 126-117 lamang at 34 segundong nalalabi.
Nagtapos si Thompson na may 41 puntos at sinundan ni Curry na may 33 puntos at 15 assist. Gumawa ng 30 puntos si Kevin Porter Jr. para sa Rockets habang 16 puntos lang si kabayan Jalen Green.
Inangat ni Anthony Davis ang numero habang nagpapagaling ng pilay si LeBron James at dominado ng Lakers ang laro at umabot ng 34 ang kanilang lamang sa 3rd quarter.

Nagsumite ng 30 puntos at 18 rebound at sinuportahan ni Austin Reaves na may 21 puntos.
Isa pang Porter na si Michael Porter Jr. ang namayani sa pagpasok ng 3-points na may 55 segundo sa orasan at ipanalo ang Denver Nuggets kontra sa Dallas Mavericks, 98-97. Nanguna si Bones Hyland na may 29 puntos.
Lalong kumukulo ang laro ng Sacramento Kings at nakamit nila ang ika-anim na sunod na panalo kontra sa Detroit Pistons, 137-129. Malaking bagay sa anim na tagumpay si De’Aaron Fox na patuloy ang husay sa kanyang 33 puntos. Samantala, bumalik mula sa suspensiyon si Kyrie Irving at nag-ambag ng 14 puntos sa 127-115 panalo ng Brooklyn Nets sa Memphis Grizzlies.




Comments